advertisement
Filtered By: News
News
DREAM COME TRUE

68-anyos na sapatero, 'di makapaniwalang isusuot ni Duterte ang gawa niyang sapatos


Itinuturing ng beteranong sapatero na si Rolando Santos na katuparan ng pangarap ang pagsuot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginawa niyang sapatos. Ang bagong pangulo, natuwa at nagpagawa pa raw ng isa pang pares.

Sa exclusive report ni Mark Zambrano sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang maliit na bahay sa Sto. Niño, Marikina kung saan matiyaga at mano-manong binubuo ni mang Rolando Santos, 68-anyos, ang kaniyang mga ginagawang sapatos.

Kaya naman laking tuwa niya nang suotin ni Pangulong Duterte ang ginawa niyang sapatos nang dumalaw sa Palasyo si US Secretary of State John Kerry nitong Miyerkules.

Ayon kay mang Rolando, ipinaabot lang nila sa isang kaibigan na gumagawa naman ng damit ng pangulo ang ginawa niyang sapatos.

"Nung maisukat ayos na ayos. Papaano ko daw nagawa 'yon nang wala namang sample o sukat e nagawa at nagkasya," natutuwang kuwento ng beteranong sapatero.

Sa kaniyang gawaan, makikita pa ang pattern na ginamit ni mang Rolando para sa sapatos na ginawa niya para kay Duterte.

Makikita rin ang disenyo at uri ng balat o leather na kaniyang ginamit sa sapatos.

"Hindi ako makapaniwala. Biruin mo, gawa ko nasuot ng presidente," natutuwa niyang pahayag.

Napag-alam na nagpagawa pa ng isang pares si Duterte na kulay itim naman.

"Proud na proud kami," saad ng anak ni mang Rolando. "Isang malaking tao [ang] nagawan niya ng sapatos." -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT