Filtered By: Topstories
News
NAPAGKAMALANG PUSHER?

Nagbabakasyong OFW, dinukot at natagpuang patay


Isang araw matapos dukutin ng mga armadong lalaki sa Caloocan, natagpuan ang bangkay ng isang nagbabakasyong overseas Filipino worker (OFW) na may tama ng bala ng baril sa ulo.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing Agosto 27 nang makita ang bangkay ni Joey Grave, sa barangay 176 sa Bagong Silang, Calookan.

Isang araw bago matagpuan ang bangkay ni Grave, sinabi ng ina ng biktima na nagpaalam ang kaniyang anak na lalabas ng bahay para mag-load sa kalapit na tindahan.

Hindi nagtagal, nakarating sa kanila ang impormasyon na kasama ang anak nila sa mga dinampot ng armadong mga lalaki na nakamaskara.

"Ang sabi raw hinuli kaya hinabol na lang namin. Hindi na namin nakita dahil ang sabi sa presinto wala naman silang operation. Kung saan-saan na namin hinanap, sa mga hospital, punerarya, wala talaga," kuwento ng ina.

Matapos makita ang bangkay ni Grave, lumabas naman ang mga balita sa pahayagan na kasama ang pangalan ng biktima sa mga umano'y pusher kaya pinatay.

Giit ng kapatid ng biktima, OFW at hindi pusher si Grave. Katunayan, dalawang buwan pa lang daw ito sa Pilipinas na nagbabakasyon.

Dagdag pa ng ina, galing sa Saudi Arabia ang kanyang anak at paalis na raw ito sana ngayong Setyembre para magtrabaho naman sa Taiwan bilang waiter.

Hinala nila, nadamay lang ang kaniyang anak sa posibleng kausap nito nang gabing dukutin ng mga armadong lalaki.

Nais ng pamilya Grave na ma imbestigahan ang pagkamatay ng biktima para mabigyan ng hustisya.

Sinubukan ng GMA Newsna kunan ng pahayag ang Caloocan Police North Extension Office Station pero wala raw ang kanilang hepe na siya lang umanong pwedeng magbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News

Tags: warondrugs
LOADING CONTENT