Filtered By: Topstories
News

Batang babae, hinostage ng presong pumuga sa Tarlac


Armado ng patalim, binihag ng isang presong tumakas sa isang piitan sa Camiling, Tarlac ang isang batang babae na pitong-taong-gulang.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing si Marlon Altiza ay isa sa tatlong preso na tumakas sa piitan sa Camiling.

Sa naturang pagtakas, isang jail guard ang nasawi, habang tatlo naman ang sugatan.

Nasawi rin ang isa pang tumakas na inmate habang tinutugis ng mga pulis.

Sa pamamagitan ng pagtawag sa cellphone, nakipagnegosasyon ang mga awtoridad kay Altiza para ligtas na mapalaya ang bata.

Kabilang umano sa unang hiniling ni Altiza kapalit ng kaniyang pagsuko ay makausap ang media at jail warden.

Matapos ang limang oras na negosasyon, mapayapang sumuko ang pugante at ligtas na nakuha ang bata.

Sakabila nito, matindi pa rin ang galit ng lola ng bata sa ginawang pag-hostage sa kaniyang apo.

Ibinalik na sa piitan si Altiza, habang isasailalim naman sa stress debriefing ang bata matapos ipasuri sa ospital. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT