Filtered By: Topstories
News
52-WEEK MONEY CHALLENGE

Ipon ng lalaki na nagsimula sa P50, umabot ng P69K


Isang lalaki angnag-viral sa social media matapos niyang makumpleto ang "52-week money challenge," kung saan ang ipon niya na nagsimula sa P50, lumago ng P69,000. Panoorin kung papaano nito ito nagawa.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabi ng 24-anyos na JB Dionisio, na sinimulan niya P50 ang hulog sa kaniyang ipon sa unang linggo ng 2016.

Sa ikalawang linggo, dinoble niya ito at ginawang P100 ang itinabing pera.

Dinagdagan naman niya ng P50 sa ikatlong linggo para sa kabuang P150 na hulog sa kaniyang ipon.

Kada linggo, dinadagdagan niya ng P50 ang halagang kaniyang iniipon.

"Kung kaya mo i-motivate yung sarili mo, magagawa mo siya. As long as committed ka doon sa challenge na 'yon. Kahit naman sabihin mong nagigipit ka, may way pa rin," paliwanag ni Dionisio.

Aminado siya na mahirap mag-ipon dahil na rin sa mga gastusin.

"Bawas-bawas lang sa mga gastos, sa mga gastusin na hindi naman kailangan. Tapos motivate ko lang yung sarili ko na nasa gitna na ako, bakit 'di ko pa tapusin ito," dagdag niya.

Ang naipong pera, ilalaan daw ni Dionisio sa investments at balak din niyang ulitin ang "challenge" para makaipon ng mas maraming pera.

Payo pa niya sa mga nais gawin ang challenge, hindi kailangan na malaking halaga ang tatargetin na maipon, basta maging seryoso at committed sa plano. -- FRJ, GMA News