advertisement
Filtered By: News
News

3 sangkot umano sa droga, patay sa Caloocan; AWOL na pulis, huli


Tatlong lalaki na sangkot umano sa droga at isang AWOL na pulis ang nadakip sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Caloocan City nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang mga napaslang na sina Lloyd Nacion, Renaldo Matias at isang Jay Cruz, nang magsagawa ng anti-drug operation ang mga pulis sa Vista Verde Subdivision sa barangay 167 dakong 8:30 p.m.

Nadakip din sa naturang operasyon ang AWOL na pulis na si Senior Police Office 1 Erwin Vasquez, dating team leader umano Special Weapons And Tactics at miyembro ng Anti-Carnapping unit sa Quezon City Police District's (QCPD).

Ayon sa pulisya, target ng kanilang operasyon sina Nacion at Matias, batay na rin sa kanilang operasyon na may nagaganap na bentahan sa bahay na sinalakay, at ginagawa umanong drug den.

Pero nang papasukin na ang mga suspek, nanlaban daw ang mga ito kaya napatay.
Nakuha umano sa loob ng bahay ang ilang sachet na may laman na hinihinalang shabu, isang cal .38 na baril, dalawang improvised cal .22 na baril, isang granada, at drug paraphernalia.

Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, inamin ng kasintahan ni Nacion na gumagamit ng iligal na droga ang kaniyang nobyo pero hindi raw ito nagtutulak.

Idinahilan naman ni Vasquez, na nakitulog lang siya sa bahay ni Nacion kaya nandoon sa lugar.

Inamin naman niyang gumagamit siya ng iligal na droga pero hindi rin nagbebenta.

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang isa pa umanong lalaki na nakatakas sa iginagawang operasyon.-- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT