Filtered By: News
News

Aaresto, nalusutan ni De Lima sa kaniyang bahay; Ronnie Dayan, dinakip sa Pangasinan


Nabigo ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na maisilbi ang arrest warrant kay Senador Leila De Lima sa bahay nito sa Paranaque City nitong Huwebes ng gabi.

Dakong 10:00 p.m. nang magtungo sa isang subdivision sa Paranaque na tinitirhan ni De Lima ang mga operatiba para dakpin ang senadora. Ito ay sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ni Judge Juanita Guerrero ong Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 204.

Ang arrest warrant ay kaugnay sa kinakaharap na kaso ni De Lima na may kaugnayan sa umano'y illegal drug trade sa Bilibid na isinampa ng Department of Justice.

Nitong Huwebes ng hapon, sinabi ni De Lima sa pulong balitaan sa Senado na uuwi muna siya sa bahay at doon magpapalipas ng gabi upang makasama muna ang pamilya.

Nangako siyang isusuko ang sarili sa mga awtoridad sa Biyernes ng umaga.

Ngunit nang malaman umano ni De Lima na papunta sa kaniyang bahay ang mga pulis, nagpasya siyang bumalik sa kaniyang tanggapan sa Senado.

Ayon kay De Lima, hindi niya nais na makita siya ng kaniyang pamilya na inaaresto sa bahay.

Bukod dito, lubha umanong mapanganib kung magpapadakip siya sa mga awtoridad sa gabi.

Nauna nang sinabi ni Senate President Aquilino Pimentel III na hindi maaaring arestuhin ng mga pulis si De Lima sa loob ng Senado nang walang koordinasyon sa Senate security personnel.

"Bawal na arestuhin sa premises ng Senado, na basta basta lang na walang coordination," pahayag ni Pimentel na nagsabing nais nilang matiyak ang kaligtasan ng senadora.

"Di pwedeng pasukin lang ng pulis diyan," dagdag niya.

Matapos silang malusutan sa bahay sa Paranaque City, nagtungo naman sa Senado ang mga tauhan ng CIDG, at wala pang katiyakan kung maisisilbi nila ang arrest warrant kay De Lima.

Dating driver na si Dayan, dinakip na

Bukod kay De Lima, ipinaaresto rin ng korte ang dating Bureau of Corrections officer-in-charge na si Rafael Ragos, at ang dating driver-bodyguard ni De Lima na si Ronnie Dayan.

Sa ulat ng dzBB radio, sinabing inaresto ng mga awtoridad si Dayan sa bahay nito sa Sitio Aplaya, Barangay Galarin sa Urbiztondo, Pangasinan.

Ayon kay Chief Inspector Joshua Maximo, hepe ng Urbiztondo police, isinilbi kaagad nila ang arrest warrant kay Dayan dakong 7:00 p.m. matapos na matanggap nila ang kopya nito sa pamamagitan ng email.

Sinabi ni Maximo na mananatili muna sa kanilang kostudiya si Dayan at hindi muna dadalhin sa Maynila.

"Hindi siya lumaban. Kusa siyang sumama dahil expected naman niya na ilalabas na ang kanyang warrant of arrest," anang opisyal.

Wala pang ulat kung naaresto na si Ragos. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT