Filtered By: Topstories
News
DUGONG NAMAN NGAYON

Isa pang malaking uri ng lamang-dagat, natagpuang patay


Isa na namang malaking uri ng lamang-dagat ang natagpuang patay sa baybayin naman ngayon ng Kiamba, Sarangani.

Nakita umano nitong Miyerkules ng mga residente sa coastal area ng Barangay Kayupo sa Kiamba, Sarangani ang nanghihinang dugong [seacow] na tinatayang may timbang ng mahigit 500 kilo at may habang na 12 talampakan.

 

 

Sinikap na iligtas ang naturang sea mammal pero namatay din kinalaunan.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), posibleng sumadsad ang dugong sa bahura o sumabit sa mga lambat.

Kumuha ang BFAR ng dugo ng dugong para masuri para matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito.

Sa nakaraang mga araw, ilang malalaking uri ng isda ang nakitang patay sa iba't ibang bahagi ng bansa tulad ng mola-mola at oarfish na natatagpuan lang sa malalim na bahagi ng dagat.

READ: Ilang patay na malalaking isda, nakita sa iba't ibang bahagi ng bansa

Nitong nakaraang Enero, isang patay na dugong din ang napadpad sa baybayin na sakop ng barangay Lisub sa bayan ng Barbaza sa Antique.

 

(Ang dugong na nakitang patay sa Barbaza, Antique )

Sa Barangay Binulasan sa Infanta, Quezon, isang baby dugong naman ang sinagip ng mga mangingisda nito ring nakaraang Enero.


Samantala, isang mag-inang dugong ang nakitang patay sa baybayin ng Glan, Sarangani noong nakaraang Setyembre.

Sa nakalipas na mga taon, may nakita ring patay na dugong sa coastal area ng Negros Occidental, maging sa Barotac Nuevo sa Iloilo at sa Mati, Davao Oriental.

Ang dugong ay isang marine herbivorous mammal, at kabilang sa mga endangered species  o mga lamang-dagat na nanganganib nang maubos. 

Karaniwan silang naninirahan sa North Pacific Ocean. -- Peewee Bacuño/FRJ, GMA News