Filtered By: Topstories
News

4 na pulis, patay sa ambush ng hinihinalang NPA sa Davao del Sur


Apat na pulis ang nasawi at isa pa ang nasugatan matapos silang tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army  sa Bansalan, Davao del Sur.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasawing pulis na sina PO1 Rolly Benelayo, PO1 Joe Narvasa, PO1 Saro Mangutara at PO3 Hayden May Raden.

Nakaligtas naman pero nasugatan si PO3 Allen Amado.

Ayon sa militar, reresponde sana ang mga pulis sa isang insidente ng pamamaril nang mangyari ang pananambang.

Sa hiwalay na panayam sa GMA News TV's QRT nitong Miyerkules, sinabi ni P/CSupt. Manuel Garlan, PRO-XI Regional Director, na magpupunta sana ang mga pulis para mag-imbestiga sa isang insidente ng pamamaril nang mangyari ang pananambang ng mga rebelde na tinawag niyang mga bandido.

"Itong ating mga pulis ay mag-iimbestiga lamang kasama ang ating mga crime laboratory technician dahil sa isang murder na nangyari po dyan na itinawag po ating kapitan," anang opisyal.

Dagdag pa niya, hindi maituturing combatant kung tutuusin ang mga napaslang na pulis dahil dalawang long firearm at dalawang maigsing baril lang ang dala nila.

Patuloy umano ang pangangalap nila ng impormasyon para matukoy kung saan tumakbo ang mga rebelde para kanilang pagtugis. -- FRJ, GMA News

Tags: ambush