advertisement
Filtered By: News
News
DOUBLE DEAD PALA

15 katao, hinihinalang tinamaan ng anthrax dahil sa kinatay na kalabaw


Inoobserbahan ngayon ng municipal health office ng Lagangilang, Abra ang 15 residente matapos silang makitaan ng sintomas ng sakit na anthrax, na hinihinalang nagmula sa kinain nilang kalabaw.

Sa ulat ng GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nakaranas ang mga nagkasakit na residente ng pangangati ng balat, mga sugat sa katawan, paninikip ng dibdib at pagdurumi.

Bago nito, kinatay umano ng mga residente ang isang namatay na kalabaw at saka nila kinain.

Pero napag-alaman ng mga awtoridad na double-dead o botcha na ang karne.

Posible rin umanong namatay ang hayop dahil din sa anthrax.

Paliwanag ng Abra Veterinary Office, ang anthrax ay sakit na dulot ng bacteria na "bacillus anthracis" na nakukuha sa lupa.

Madalas daw itong tumatama sa mga hayop tulad ng kalabaw. Maaari raw na maipasa ito sa tao sa pamamagitan ng sugat sa balat, pagkain sa karne ng hayop na may anthrax, at paglanghap ng anthrax spores.

Hinihintay pa ng health office ang resulta ng laboratory tests sa mga dugo ng mga biktima para matukoy kung anthrax ang kanilang sakit. -- FRJ, GMA News

Tags: anthrax, botcha
LOADING CONTENT