Filtered By: Topstories
News

Alkalde, itinangging may gumagalang rapist na 'bonnet gang' sa Mexico, Pampanga


Pinabulaanan ng alkalde ng Mexico, Pampanga ang ulat na may gumagalang "bonnet gang" na dumudukot at nanggagahasa ng mga babae sa kanilang bayan.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Mayor Teddy Tumang na magkaibang insidente ng panggagahasa ang nakalap ng social worker ng Child Abuse Protection Network na si Josie Soliman.

READ: Dalagita, dinukot at ginahasa umano ng mga naka-bonnet sa Mexico, Pampanga

Bagama't naka-bonnet umano ang mga suspek sa nabanggit na insidente ng panghahalay, hindi raw ibig sabihin nito na iisang grupo lang ang may kagagawan.

Binalak daw nilang kasuhan si Soliman dahil sa pagkakalat umano ng maling impormasyon.

Dahil sa nasabing ulat, nababahala na raw ang ilang residente sa kanilang kaligtasan.

"Wala pong umiikot na mga bonnet gang dito...Hindi naman ganung karami yung mga nara-rape dito sa atin, isolated lang po," anang alkalde.

Sinisikap ng GMA News na makuha ang panig ni Soliman tungkol sa pahayag ng alkalde. -- FRJ, GMA News