Filtered By: Topstories
News

Saudi king bilib kay Pangulong Duterte 


 

Sen. Cayetano sa Saudi Arabia kasama sa delegasyon ni Pangulong Duterte. --Ronaldo Concha 

RIYADH —Matagumpay ang pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Saudi Arabia kung saan nagkaroon siya ng one-on-one meeting kay King Salman bin Abdulaziz Al Saud noong Martes ng gabi sa Riyadh.

Sa panayam kay Senator Allan Peter Cayetano, sinabing naging mainit ang pagtanggap ng pamahalaan ng Saudi Arabia kay Pangulong Duterte lalong-lalo na anya ang kanilang hari.

Pahayag ni Cayetano, ilan sa mga napag-usapan sa pulong ng hari at ng pangulo ay ang kondisyon ng mga OFW na nagtatrabaho sa kaharian lalo na ang mga nasasangkot sa iba't ibang mga problema.

Sinabi umano ng hari sa pangulo ang pantay-pantay na pagtrato ng kanilang pamahalaan sa lahat ng kanilang mga nasasakupan, mamamayan man nila o mga dayuhan o maging ang mga myembro ng royal family.

“Napaka warm po ng pagtanggap ng hari ng Kingdom of Saudi Arabia sa ating pangulo, napakaganda po ng kanilang one-on-one at bilateral meeting, nakaka-touch po ang sinabi ng hari na dito sa Saudi ang gusto nila ay iisa ang batas, kung ano ang batas sa Saudi national yun din ang batas para sa Pilipino at maging ang Royal Family."

Kasama si Cayetano at iba pang mga opisyal ng pamahalaan sa delegasyon ng Pilipinas na dumalo sa biglaang meet-and-greet program sa Saudi king, na idinaos sa loob Philippine Embassy sa Riyadh Martes ng gabi.

Dinaluhan din ang okasyon ng mga lider ng iba't ibang Filipino community sa Saudi Arabia. 

Sinabi rin ni Cayetano na isa sa mga siniguro ng pangulo sa pulong nila ng hari ay ang pagpapauwi, sa pamamagitan ng amnesty, ng mga kababayan nating stranded doon.

Tiniyak ni Cayetano na sasagutin ng Department of Labor and Employment ang pamasahe pauwi ng mga mag-a-avail ng amensty program na walang pamasahe pauwi. 

Dagdag niya, hahabulin din ng DOLE ang mga ahensyang nag-deploy sa stranded OFWs.

Nagpahayag naman ang mga Filipino Community na dumalo sa pagpupulong ng kanilang buong suporta sa pangulo.

Samantala,  isinalarawan ni Department of Trade and Industry secretary Ramon Lopez na bilib na bilib ang Saudi king kay Panulong Duterte.

Ayon kay Lopez, masayang-masaya raw ang mga opisyal ng pamahalaan ng Saudi sa pangunguna ng kanilang hari dahil sa kakaibang karisma na umano'y nakita nila sa ating Pangulo, lalo na sa pagiging sinsero umano nito sa kanyang mga ginagawa. 

“Kanina ang ganda ng meeting gustong gusto nila si presidente, yung leaders ng Saudi Arabia talagang bilib na bilib sa pagka sincere niya sa mga Pilipino lalo na sa mahihirap ay ganoon din ang kanyang ipinakita sa mga bansa na tumutulong sa atin." 

Gayundin, sinabi ng OFW na si Rey Edward Homel, overall chairman ng National Coordinating Body Parralel PRRD na handa silang makipagtulungan sa pamahalaan upang malutas ang prolema ng mga OFW at magkaroon din umano sila ng kontribusyon sa pagsusulong ng nation-building.

Si Pangulong Duterte ay nakatakdang makipag kita sa iba't ibang grupo ng mga Filipino sa Saudi Arabia Miyerkules ng gabi bago magtungo sa Bahrain sa kanyang official visit sa Middle East. —LBG, GMA News