Filtered By: News
News

Lalaki at babae, pinagbabaril sa loob ng kanilang sasakyan ng riding in tandem


Patay ang isang lalaki at kasama nitong babae matapos silang pagbabarilin sa loob ng sasakyan sa Tondo, Maynila. Ang lalaki, tila sinubukan pang iligtas ang babae sa pamamagitan ng pagyakap para maiharang ang sariling katawan sa tama ng bala.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Unang Hirit" nitong Miyerkules, sinabing nakamotorsiklo ang mga salarin na bumaril sa dalawang biktima habang nasa loob ng kanilang sasakyan at nakatigil sa Road 10 corner Capulong bago maghatinggabi nitong Martes.

 

Kinilala ng pulisya ang biktimang babae na si April Hicban, habang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki.

Nang makita ang mga biktima, nakayuko ang babae sa upuan, habang nakasubsob at nakayakap sa kaniya ang lalaki.

Hinala ng pulisya, tinangka ng lalaki na iharang ang katawan upang hindi tamaan ng bala ang babae pero pareho pa rin silang nasawi.

Tadtad ng tama ng bala ang driver's side ng sasakyan at nasa 14 na basyo ng bala umano ang nakita sa crime scene.

Ayon sa ilang saksi, nakasakay sa motorsiklo at may takip sa mukha ang mga nakatakas na salarin.

Aalamin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaking biktima at ano ang relasyon niya sa babaeng biktima.

Iniimbestigahan din kung sino ang mga salarin at ang kanilang motibo sa pamamaril.

Samantala, pinagbabaril din at napatay sa Tondo si Jimmy Adobo, ng umano'y salarin na si Alyas Joshua.

Sa imbestigasyon ng pulisya, papuntang tindahan si Adobo nang abangan siya at barilin ni Joshua, na pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad. -- FRJ, GMA News

Tags: crime, psstnews
LOADING CONTENT