Filtered By: News
News

Anak ni Bro Eddie Villanueva kinasuhan ng pagpatay


Sinampahan ng Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkules ng kasong pagpatay at tangkang pagpatay si Bocaue, Bulacan Mayor Eduardo Jose "Jon-Jon" Villanueva Jr., anak ng kilalang charismatic leader na si Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord (JIL) Movement. Ang kaso ay kaugnay sa insidente ng barilan sa Bocaue, Bulacan ilang araw bago ang May 14 mid-elections na ikinamatay ng isang sundalo mula sa Philippine Army. Ang akusadong si Villanueva ay isang negosyante at kapatid ni anti-corruption party-list Rep. Joel Villanueva (Cibac). Sa pitong pahinang resolusyon ng pinirmahan nina Chief State Prosecutor Jovencito Zuño at Assistant Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, nakasaad na may sapat na basehan upang isakdal ang alkalde, kasama si Francisco Verdi Villa at ilan pang “John Does." Binigyang halaga ng DOJ ang testimonya nina Cpl. Enrique Aningat at iba pang miyembro ng 7th Infantry Division ng Army na positibong kumilala kay Villanueva at sa grupo nito na namaril sa kanilang grupo noong Mayo 4 na ikinamatay ni Cpl. Leonardo Pataray, 34, mula sa 3rd Infantry Battalion ng Army. "The findings in the documentary evidence and the impartial testimonies of eyewitnesses plainly prove that there was shooting from Villanueva's group," saad sa resolusyon ng DOJ na isinulat ni State Prosecutor Geronimo Sy. Iginiit ni Villanueva na hindi sila kasama sa barilan at ang palitan ng putok ay naganap sa pagitan ng mga pulis at sundalo. Subalit napatunayan umano ng DOJ sa paunang imbestigasyon na ang grupo ni Villanueva ay nasa lugar ng pinangyarihan ng engkwentro. - Fidel Jimenez, GMANews.TV