Anak ng kasambahay at laki sa hirap, pero hindi ito naging hadlang kay Dana Kaye Fallurin Fabiala para maging Top 2 sa Licensure Examination for Teachers nitong Setyembre.

Nakakuha si Fabiala, graduate ng Romblon State University (RSU), ng rating na 88.60 percent sa nasabing pagsusulit.

Sa maikling panayam kay Dana, sinabi niyang hindi niya inakala na magiging Top 2 siya dahil noong pagkatapos ng examination ay sinasabi niya na sa kanyang mga magulang na baka hindi siya pumasa dahil mahirap ang mga tanong.

"Nag-aabang po ako ng balita nang biglang tumawag sa akin ang isa sa mga taga-RSU at sinabi nga na nag-Top 2 ako sa exam. Nabigla po ako kasi wala ako nababasa sa newsfeed [ng Facebook] ko," ayon kay Dana.

Si Dana, 21-taong gulang, at pangatlo sa apat na magkakapatid ay nagtapos bilang magna cum laude ngayong taon sa RSU sa kursong Bachelor of Elementary Education (BEEd).

Ayon kay Dana, hindi nakapagsalita at napaiyak na lamang ang kanyang mga magulang nang mabalitaan ang resulta sa pagsusulit.

"Wala na po silang nasabi, nag-iyakan na po sila bigla [ng sabihin ko]," ayon kay Dana.

Nagtatrabaho bilang isang kasambahay sa kanyang tiyuhin ang kanyang ina na si Nina Fabiala, habang ang kanyang tatay na si Edgar Fabiala ay ume-extra lamang kung may patrabaho ang munisipyo.

Bukid sa pagbibigay ng trabaho sa kanyang ina, ang mismong tiyuhin din ni Dana ang nagpaaral sa kanya. Sa bahay din ng kanyang tiyuhin sa Barangay Poblacion sa bayan ng Corcuera nakatira ang kanilang pamilya.

"Nakikitira lang po kami sa aking tito na nagtatrabaho sa munisipyo. May maliit na bahay naman po kami kaso nasa Barangay San Agustin [bundok] pa po siya," dagdag ni Dana. —ALG/KG, GMA News