Dahil sa mali umanong kurtina na ginamit sa math and science fair at sa nasirang LCD monitor, isang babaeng estudyante ang sinasabing ipinahiya ng direktor ng isang pribadong paaralan sa Davao City. Isa pang lalaking estudyante ang sinaktan umano ng opisyal, bagay na itinanggi naman ng inirereklamo.

Sa ulat ni Sheillah Vergara-Rubio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nagpunta sa Department of Education Division sa Davao City ang dalawang estudyante kasama ang kani-kanilang mga magulang para ireklamo si Rosalina Evora, direktor ng paaralan na kanilang pinapasukan.

Inireklamo ng babaeng grade 9 student si Evora dahil sa ginawang pamamahiya sa kaniya sa pamamagitan ng pagsigaw at pagtapon sa kaniya ng tela.

Ang naturang insidente ay nakunan ng video ng isa pang estudyante.

Sinasabing nagalit si Evora dahil mali ang kurtinang ginamit sa isinagawang math and science fair at may nasirang LCD monitor.

Samantala, inirereklamo naman ng lalaking grade 10 student na sinakal at hinampas siya ng ID ni Evora kaya nagalusan siya sa braso.

Nagalit naman daw sa kaniya ang opisyal nang tulungan niya ang estudyante na kaniya raw kaibigan.

Inamin ni Evora na nagalit siya pero itinanggi niya ang bintang ng pananakit.

"Oo. Bakit si Jesus gani magalit, ako pa. I mean, sino ang hindi sisigaw, imagine... at yung guy na 'yon he's not part of the class," paliwanag niya.

Inamin niyang kinuwelyuhan niya ang lalaking estudyante dahil sa pagsasalita nang hindi maganda. Ginamit lang daw niyang pangsalag ang ID na nakuha niya sa lalaki.

Sa kabila ng paliwanag niya, desidido naman ang mga estudyante at kanilang mga magulang na ituloy ang reklamo laban sa opisyal ng paaralan.

Handa naman daw siyang harapin ang reklamo at sinabing matapos siyang nagtrabaho sa Amerika pero ngayon lang daw siya nakakita ng mga ganitong uri ng kabataan. -- FRJ, GMA News