Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng isang empleyado ng isang service center sa loob ng isang mall sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi. Ang krimen, nag-ugat daw dahil walang maipakitang resibo ang biktima para kunin ang ipinagawang laptop.

 

 

Kinilala ang biktimang si Geroldo Ramon Querijero na nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Pinaghahanap na ang suspek na si Leo Laab, store manager ng PC Home Service Center.

Ayon kay QCPD Director Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar, nangyari ang insidente sa loob ng PC Home Service Center sa fifth floor ng SM North Edsa Annex.

Ayon kay QCPD Station 2 Commander Superintendent Carlito Mantala, nagpunta ang biktima sa tindahan ng suspek para kunin ang ipinagawang laptop.

Ngunit hindi raw nadala ng biktima ang resibo kung saan nakalagay ang job order kaya tumanggi ang suspek na ibigay ang pinagawang laptop ng biktima.

Dahil dito, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa na nauwi sa pananaksak.

Naisugod pa sa JP Sioson General Hospital ang biktima ngunit binawian din siya ng buhay.

 

 

Narekober ng SOCO or Scene of the Crime Operatives ang kitchen knife na ginamit sa pananaksak.

Ang kutsilyong ginamit na panaksak ng store manager sa kaniyang customer, nabili umano sa isang hardware sa loob din ng SM North EDSA ayon sa katrabaho ng suspek.

Nagsasagawa na ng follow up operation ang mga tauhan ng QCPD station 2 laban sa suspek na tumakas. — BAP/FRJ, GMA News