Filtered By: Topstories
News
KILALANIN

Ang pinakaunang Filipino-American na mambabatas sa California


Nakagawa ng kasaysayan si Rob Bonta nang mahalal siya noong 2012 bilang kauna-unahang half-Pinoy, half-American na mambabatas ng California.

At bilang kaniyang ambag, naisulong niya ang pagpasa ng California Assembly Bill 123 na naglalayong mas higit na kilalanin ang kontribusyon ng mga Filipino-American sa Estados Unidos.

Sa programang "Reel Time," sinabing sakop ni Bonta ang Oakland, Alameda, at San Leandro ng 18th District ng California.

Ang ina ni Bonta ay mula sa Dumaguete, na nakapag-aral sa UP Diliman. Naging immigrant siya sa California para sa scholarship, at dito na natagpuan ang kaniyang naging asawa.

Pagka-graduate ng kaniyang mga magulang, na parehong aktibo sa civil rights at social justice activism, bumalik sila sa Pilipinas para magsilbing service missionaries.

Sa Pilipinas na isinilang si Bonta at ang kaniyang ate.

Isa ang kaniyang ina sa mga nakipaglaban sa rehimen ni Ferdinand Marcos. Dahil sa panganib na nakaamba, lumipad muli ang kanilang pamilya sa California.

Dito na nag-aral ng abogasya si Bonta at nagtrabaho sa mga law firm, at naglaro pa para sa Filipino Soccer Team.

Ayon sa kaniya, ang mga Pilipino ang pinakamalaking Asian American group sa siyudad ng California at ang pinakamabilis lumaki ang populasyon. Ngunit kumpara noon na naging bahagi ang mga Pinoy sa pagpapatalsik kay Marcos, hindi gaanong nakikilahok ang mga Fil-Am sa politika sa Amerika.

Naging proyekto ni Bonta ang pagpapatupad ang kaniyang mga adbokasiya na tugunan ang pangangailangan ng mga Filipino-American.

Sa kaniyang Assembly Bill 123, inaatasan nito ang state curriculum na isali ang kontribusyon ng mga Filipino-American sa farm labor movement sa California.

Ayon kay Geraldine Alcid, Executive Director ng Filipino Advocates for Justice, dahil sa mga isyu ng immigration na mainit sa politika ng Amerika mula pa noong 2016, natatakot ang mga Pilipino dahil sa mga banta ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) Raids at pagwawakas ng family immigration.

Para kay Bonta, ang mga Fil-Am sa Pilipinas at sa Amerika ay parehong uhaw sa hustisya at pakikipaglaban sa kung ano ang tama.

Tunghayan ang buong panayam kay Bonta sa "Reel Time."

--FRJ, GMA News