advertisement
Filtered By: News
News

Mga labi ng OFW na ‘nagbigti’ sa police station sa Saudi naiuwi na


Nagawa pang makausap sa telepono ng asawa ang Filipina caregiver tatlong araw bago ito nakitang patay sa loob ng isang police station sa Saudi Arabia noong Setyembre 10. Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Maximo Carvajal, nakausap nya ang asawang si Anita Morales Carvajal, 41, noong Sept. 7 at wala naman umano itong naikwentong problema. Nakatakda sanang umuwi sa Pilipinas si Anita noong Sept. 10, ang araw na nakita siyang nakabigti sa loob ng conform room ng Suwaidi police station gamit ang ilang piraso ng damit. Ayon kay Maximo, noong lang Oktubre 30 ipinaalam sa kanya ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nangyari sa asawa. “Nagkausap kami Sept. 7, tapos nakita ko sa report, Sept. 10 patay na," hinanakit ni Maximo na dalawang taong hindi nakita ang asawa. Hanggang ngayon ay nalilito umano si Maximo kung bakit nagpakamatay ang asawa at bakit ito nasa himpilan ng pulisya. Nitong Miyerkules ay naiuwi na ang bangkay ni Anita na tubong Urdaneta, Pangasinan. Lumapit na rin si Maximo sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ngunit wala umanong makukuhang benepisyo ang pamilya ni Anita dahil napaso na ang kontrata ng namayapang OFW. Bukod kay Maximo, naulila ni Anita ang dalawa nilang anak na hindi makapaniwala sa nangyari sa kanilang ina. Umaasa ang pamilya ni Anita na makakamit nito ang hustisya. – GMANews.TV
LOADING CONTENT