Dalawang lalaking sangkot umano sa droga ang patay matapos manlaban sa mga pulis sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Ayon sa ulat sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, nakatunog sa buy-bust operation ang mga suspek na sina Albert Bingkal at Dodo Maglacion.

Bumunot daw ang mga ito ng baril at granada kaya sila pinaputukan ng mga operatiba.

Nakuha sa lugar ang isang baril, ang granada, iligal na droga, at marked money.

Sa kulungan naman ang bagsak ng mag-live in partner na nahuli sa buy-bust operation sa Balayan, Batangas.

Nakuha sa mga suspek na sina Lorna Payumo at Leopoldo Alaras ang anim na pakete ng hinihinalang shabu at marked money.

Itinanggi ng babae na may kinalaman siya sa droga samantalang siya naman ang itinuro ng kinakasamang lalaki na nanghikayat umanong pumasok sa mga iligal na transaksyon.

Isa pang suspek sa iligal na transaksyon ng droga ang arestado sa Victoria, Oriental Mindoro.

Hinuli ng mga awtoridad ang suspek na si Kenneth Gutierrez matapos makumpiskahan ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu, marked money, at isang cellphone sa ikinasang buy-bust operation.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — Dona Magsino/BM, GMA News