advertisement
Filtered By: News
News

Residenteng pumanaw na, kabilang daw sa mga nakatanggap ng tulong sa Makati


 

Isang residente ng Makati City ang nagreklamo nang makita sa listahan ng mga tatanggap ng social amelioration program subsidy ang isang kakilalang patay na.

Dagdag pa ng nagreklamong residente na ang mga opisyal daw ng barangay ay nangunguna pa umano na makatanggap ng tulong pinansiyal.

“Nakita namin ‘yong isa sa mga kwalipikado ay pumanaw na noong Marso at ‘yong iba sa mga nasa listahan is pamilya ng mga nakaupo sa aming barangay,” sabi ng nagrereklamo sa isang ulat sa “24 Oras” nitong Linggo.

Ayon naman sa barangay, wala naman silang paglabag dahil pinapayagan naman daw ito ng gobyerno.

“In-allow po ng DILG na ang mga barangay tanod, barangay health workers at daycare workers ay qualified na mabigyan ng amelioration program,” ani Barangay Viejo, Guadalupe captain Hendrich Angeles.

“Ang mommy ko po ay anim na taon ng patay. Sa pamilya ko po ay walang nag-receive ng SAP dahil prinohibit ko po sila na tumanggap ng ayuda galing gobyerno dahil mas nangangailangan ang dapat makatanggap,” dagdag ni Angeles.

Ngunit, wala pa ring paliwanag kaugnay sa patay na nailista sa makakatanggap ng ayuda. — Ma. Angelica Garcia/BM, GMA News

LOADING CONTENT