Filtered By: News
News

COVID-19 isolation at treatment facility sa Candelaria, Quezon, bubuksan sa Lunes


Isang isolation at treatment facility ang nakatakdang buksan sa Candelaria, Quezon sa Lunes upang labanan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bayan.

Ipinatayo ng lokal na pamahalaan ng Candelaria ang nasabing pasilidad, sa tulong ng Rural Health Unit at MDRRMO.

Pangatlo ang bayan ng Candelaria sa buong probinsya ng Quezon sa dami ng tinamaan ng virus na umabot na sa 90.

Ayon ang kay Candelaria Mayor Macario Boongaling, layunin daw ng isolation at treatment facility na dito nalang ilagay ang mga kababayan niyang asymptomatic upang dito na maghintay ng kanilang paggaling. Maiiwasan raw ang hawahan kung nasa isolation facilty sila.

May doktor, nurse, at midwife na mangangalaga sa mga pasyente sa loob ng pasilidad.

Kasya ang dalawang tao sa bawat unit na may higaan at CR. Sa kasalukuyan, kayang mag accommodate ng 24 na pasyente ng pasilidad.

 

Sa susunod na buwan ay may mga karagdagan pang unit na itatayo upang mas maraming pasyente ang mapagsilbihan sa bayann.

Ang mga hospital bed na gagamitin sa pasilidad ay mula naman sa provincial government ng Quezon.

Ayon kay Boongaling, tumaas raw ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan dahil marami ang nati-trace na nakakasalamuha ng mga nagpo-positibo.

Marami na rin raw sa kanyang mga kababayan ang nasa-swab test dahil libre ito. Ang LGU na raw ang sumasagot sa bayad sa swab test na medyo may kamahalan.

Ngayong araw ay umabot na sa 1,010 ang buong bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa lalawigan ng Quezon, 582 ang mga gumaling at 34 naman ang nasawi. -MDM, GMA News

LOADING CONTENT