Filtered By: Topstories
News

Prusisyon ng Itim na Nazareno sa Quiapo dinagsa ng deboto


Inilabas na ang imahe ng Itim na Nazareno mula sa Quiapo Church sa Maynila bandang 1:30 ng hapon nitong Miyerkules bilang simula ng taunang prusisyon palibot sa simbahan. Iniulat ng GMA News Flash Report na nagkatulakan ang libo-libong mga deboto, ang ilan ay may iwinawagayway pang panyong puti, upang makalapit sa imahe o kaya’y mahawakan man lamang ang lubid na ginagamit upang hilahin ang karo. Batay sa mga paunang ulat nitong ala-1 ng hapon, tinatayang nasa pagitan ng 25,000 hanggang 30,000 ang bilang ng mga sumama sa prusisyon. Samantala, dalawang babaeng deboto ang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Maynila matapos himatayin sa gitna ng nagsisiksikang mga tao malapit sa Quiapo Church nitong tanghali, ayon sa QTV Balitanghali. Hindi agad na pinangalanan ng JRMMC ang dalawa subalit sinabing maaaring nawalan ng malay ang mga ito dahil sa tindi ng init at bilang ng mga debotong dumagsa sa lugar. Bukod sa JRMMC, inilagay ang apat na ospital sa lungsod sa “white alert," kabilang na ang Philippine General Hospital (PGH), San Lazaro Hospital, at Ospital ng Maynila (OSMA). Sa ilalim ng “white alert" kailangang kasado na ang mga tauhan ng ospital at mga kagamitan upang tumugon sa lahat ng uri ng emergency. "(In the past) most of the patients we see are naiipit ng gulong, nasusugatan at nagagalusan," pahayag ng isa sa mga duktor ng JRRMMC. Nagpadala na rin ng mga ambulansya ang JRMMC upang umalalay sa prusisyon sakaling may masugatan o masaktan. Noong nakaraang taon, 10 deboto ang isinugod sa JRMMC. Samantala, nagdagdag naman ng biyahe ang Light Rail Transit maging ng mga cashier at pasukan sa Maynila para sa kanilang Line 1 at 2 para sa mga deboto at mga pasaherong nais umiwas sa trapiko. Iniulat ng dzBB radio na ilang tindera ang nagpumilit na magbenta sa Quiapo Church sa kabila ng isang araw na pagbabawal na iniutos ng lokal na pamahalaan. Ayon sa ulat, pinigilan pa ng ilang tindera ang mga pulis nang baklasin ang mga pwesto nila. Karamihan sa mga nagtitinda roon ay nag-aalok ng inumin, kandila, tuwalya at mga aklat ng dasal, sinabi sa ulat ng dzBB radio. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV