Magnanakaw sa Lucena City, nahuli ng mga awtoridad dahil sa kanyang "alien"  tattoo.

Naaresto ng Lucena City Police si Tommy Forbes, 26-anyos, matapos itong ma-identify na nanloob sa isang hardware sa Ibabang Dupay ng lungsod sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Quinta.

 

Lucena CPS
Photo courtesy: Lucena CPS

Ayon kay Police Col. Romulo Albacea Jr., hepe ng Lucena City Police, sinabayan ni Forbes at ng kasama nito ang ingay ng mga yero habang humahagupit ang bagyong Quinta. Sinira ng mga ito ang bubong ng hardware at doon dumaan.

Hindi raw akalain ng mga kawatan na may CCTV sa loob ng hardware.

Kitang kita sa CCTV ang ginawang paghahalughog ng dalawang kawatan sa loob ng hardware.

Dahil transparent ang kapote na gamit ni Forbes ay nakita ang tattoo nito sa likod.

Natangay ng mga kawatan ang P58,000 halaga ng gamit mula sa hardware.

Kinabukasan, nang madiskubre ng may ari ng hardware na sila ay nalooban ay agad nilang ipinakita sa Lucena Police ang CCTV.

Agad na naaresto ng mga pulis si Forbes dahil sa kanyang tattoo. Si Forbes ay naninirahan hindi kalayuan sa hardware.

Patuloy naman na hinahanap ang kasama nito. —LBG, GMA News