ADVERTISEMENT

News

RepLeksiyon: Huwag sayangin ang talino at talentong ibinigay sa atin ng Panginoon

By Bro. Marianito Agustin, O.P.

Huwag nating sayangin ang talento at talinong ipinagkaloob sa atin ng Panginoon (Mat. 25:14-30).

May mga tao ang napakahusay kumanta. Nagagamit nila nang husto ang kanilang talento para kumita at nagpapasaya pa ng maraming tao.

Samantalang ang iba naman na mahilig kumanta pero walang hilig sa kanila ang kanta, mayroon namang talino na nagagamit sa iba namang paraan at nakakatulong rin sa iba tulad sa taong mahusay kumanta.

Ang talento at talino ay kapwa ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa ating lahat. Ganito ang tema ng Mabuting Balita (Mateo 25:14-30), kung saan mababasa natin ang kuwento tungkol sa "Ang Talinghaga Tungkol sa mga Aliping Pinagkatiwalaan ng Salapi."

Ang mensahe ng Pagbasa ay patungkol sa talino at talentong ibinahagi ng Diyos sa lahat ng tao na naglalarawan sa "salaping" ibinigay ng isang taong maglalakbay para sa kaniyang mga tauhan.

Gaya ng ating sinabi, ang lahat ng tao ay pinagkalooban ng Panginoon ng talino at talento. Kasama ring ang pagbibigay ng pagkakataon sa atin ng Diyos na paunlarin natin ang talino at talento hanggang nasa ibabaw tayo ng lupa, batay sa kakahayan at abilidad natin.

May ilan ang napagyabong o napagyaman ang kaniyang talino at talento; hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi maging sa kapakinabangan ng kaniyang kapwa.

Hindi niya ipinagdamot ang kaniyang talento at talino para sa kaniyang sariling kapakanan lamang. Kundi, ibinahagi rin niya ito para sa ikabubuti at kagalingan ng ibang tao.

Gaya niya ang unang karakter sa kuwento ng Pagbasa na pinagkatiwalaan ng pera na ipinangalakal niya para tumubo at nadoble pa ang halaga.

Gayundin ang ginawa ng isa pang tumanggap ng pera na mas maliit ng kaunti kaysa sa isa niyang kasama. Hindi rin sinayang ng ikalawang karakter ang pagkakataon at hindi niya sinira ang tiwala ng kaniyang amo dahil napalaki niya ang perang ibinigay sa kaniya.

May kasabihan nga kung minsan na isang beses lang kung dumating ang magandang oportunidad kaya hindi dapat aksayahin.

ADVERTISEMENT

May mga kakilala ako na sobrang nanghihinayang at nagsisisi sa oportunidad na pinalampas nila. Sila na rin ang nagsabi na umiyak man sila ng dugo, hindi na maibabalik ang magandang pagkakataong hinayaan nilang makalampas sa buhay nila.

Ganito rin ang nangyari sa isa pang karakter sa Pagbasa na pinagkatiwalaan din ng pera ng kaniyang amo. Sa halip na paunlarin ang kakaunting salapi, pinili niyang ibaon na lang ito sa lupa.

Siya ang naglalarawan sa mga taong tamad at walang ambisyon sa buhay at ayaw magbanat ng buto. Mga taong may gustong nakatambay at maghihintay na lang ng magbibigay ng makakain, at laging tulog o kaya naman ay nagbibisyo pa.

May mga talento at talino ang mga ganitong tao, subalit sinasayang lamang nila ang kanilang panahon at pagkakataon. Hindi nila nagagamit ang kanilang abilidad sa mga makabuluhang gawain na maaaring magpaunlad sa kanilang pamumuhay.

May isa akong kaibigan na lisensiyadong enhinyero pero mas pinili niyang tumambay lang sa bahay. Hindi siya nagtatagal sa mga kompanyang kaniyang pinasukan dahil lagi siyang may nakakaaway dahil sa pinupuna siyang tamad sa trabaho.

Kung hindi kagandahan ang sitwasyon ng ating pamumuhay, huwag nating sisihin ang Panginoon dahil biniyayaan naman Niya tayo ng talento at talino pero baka hindi lang natin nagagamit nang tama.

PANALANGIN: Panginoon, salamat sa talino at talento na Inyong ipinagkaloob sa akin. Dalangin ko na tulungan Niyo po akong mapagyaman ko ito at magamit nang tama para sa ikabubuti ng aking buhay at mapakinabangan ng aking kapwa. AMEN.

--FRJ, GMA News