Filtered By: News
News

Huwes sa Samar patay sa pananambang


Binaril ng isang hindi pa nakikilalang lalaki ang isang huwes sa Samar nitong Lunes ng gabi, ayon sa ulat ng GMA News nitong Martes. Kinilala ng mga awtoridad ang nasawing biktima na si Judge Roberto Navidad, 69, ng Calbayog City regional trial court Branch 32, na binaril sa Barangay Central ng nasabing lungsod. Ayon sa Korte Suprema, si Navidad ang pang-15 huwes na namatay sa pananambang simula noong 1999. Batay sa mga paunang imbestigasyon, kabibili pa lamang ni Navidad ng gamot mula sa isang botika sa kahabaan ng Rosales Boulevard sa kanto ng Gomez Street at nakasakay sa kanyang itim na Nissan Patrol SUV (TPL-911) nang barilin bandang 7:10 ng gabi. Sinabi ni Senior Superintendent Cesario Darantinao ng Eastern Visayas Police sa panayam ng GMANews.TV, kaagad na namatay si Natividad nang tamaan ng bala sa kanyang kaliwang mata. Nakakuha mula sa lugar ng insidente ang isang empty shell mula sa .45 pistol. Sinabi ng ilang saksi na may suot na itim na jacket at ball cap ang namaril na may taas na 5 feet, 4 inches at may katamtamang pangangatawan. Samantala, inihayag ni Chief Superintendent Abner Cabalquinto, Eastern Visayas Police director sa panayam ng GMA Unang Balita, tinitiyak pa ng mga pulis ang ulat na may kinalaman ang mga hinawakan niyang kaso sa pagpapapatay sa kanya. "This is murder, pre-meditated. Ang naiisip natin ay this is work-related. It could be in the cases that he handled. So uungkatin namin yung mga kaso niya (na kontrobersyal)," pahayag ni Cabalquinto. Inutusang gunman Bagama't wala pang pagkakakilanlan sa suspek, sinabi ni Cabalquinto na maaaring inutusan lamang ang bumaril. "We believe this is a hired assassin. So this will be hard for the investigators to crack," ayon kay Cabalquinto. Idinagdag niya na isang task force sa pangunguna ni Senior Superintendent Arcadio Lelis, deputy regional director for operations, ang binuo sa kaso. Bubuuin ang Task Force Navidad ng mga operatiba mula sa Intelligence Office ng rehiyon, Criminal Investigation and Detection Group, at maging ng National Bureau of Investigation, ayon kay Cabalquinto. "Iinterview-hin din namin 'yung other judges because of this, we have to act on this. Mahirap na kasi," pahayag niya. Iniulat ni Cabalquinto nabago ang insidente, binabantayan nila ang dalawang hurado sa lalawigan matapos makatanggap ng banta sa buhay. Isa umano si Navidad sa mga hurado sa Samar na nagdesisyon sa isang kaso ng isang lokal na opisyal sa halalan na nagwagi ng anim na boto laban sa kanyang katunggali. "(Pero) Si Judge Navidad, wala siyang nahingi na security namin. Pero hindi ko po matiyak kung may threats sa kanya o wala," giit ni Cabalquinto. Walang seguridad Sinabi ni Superintendent Isaias, pinuno ng PNP sa Tonog, Calbayog City, na binigyan na nila ng bantay si Navidad noong 2004. "Pero matagal na siyang walang security ng police. Pero meron siyang security ngayon from a court employee and his driver," ayon kay Tonog. Idinagdag niya na ito ang unang pagkakataon na may iniulat na kaso ng isang huwes na binaril at namatay sa lalawigan. Noong Disyembre 2003, bumaba sa pwesto si Pagsanghan, Samar Mayor Violeto Ceracas matapos ideklara ni Navidad sa kanyang desisyon na mayroong malawakang dayaan na naganap sa tatlong presinto sa lugar. Sa nasabing desisyon, sinabi ni Navidad na si Noel Rapol, katunggali ni Ceracas, ang karapat-dapat sa pwesto. Nag-ugat ang desisyon sa protesta na inihain ni Repol noong 2001 na nagsabing nadaya siya ng 66 na boto. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV