ADVERTISEMENT

News

2 arestado sa buy-bust, nagturuan kung sino sa kanila ang tulak

Nagturuan ang isang lalaki at isang babae na inaresto sa buy-bust operation sa Dasmariñas, Cavite kung sino sa kanila ang nagtutulak ng droga.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang mga suspek na sina Marisa Umali at Reñelito Bugtong. Nakumpiska sa kanila ang siyam na pakete ng hinihinalang shabu at marked money.


Sinabi ni Umali na gumagamit lamang siya ng ilegal na droga at galing ito kay Bugtong. Mariin naman itong itinanggi ni Bugtong at sinabing si Umali ang pinagkukuhanan niya ng droga.

Ayon sa pulisya, mag-iisang taon nang nakakulong ang asawa ni Umali dahil rin sa ilegal na droga at tila ang babaeng suspek ang nagtuloy ng ilegal na gawain.

Samantala, dalawang pinaghihintalaang tulak ng ilegal na droga ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.

ADVERTISEMENT


Unang nadakip si Manolo Aleta Jr. na nakuhanan ng 25 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P22,000.

Limang pakete ng shabu na umano ay may halagang P35,000 naman ang nakumpiska kay Remon Balangitaw.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek.

Sa kaugnay na ulat, sinunog naman ng mga awtoridad P19 milyong halagang marijuana na nakumpiska sa mga plantasyon sa Benguet.

Resulta ito ng pitong araw na operasyon ng Benguet Police Provincial Office sa mga bayan ng Kibungan at Bakun. Walang naaresto sa mga nasabing operasyon.—Jamil Santos/AOL, GMA News