ADVERTISEMENT

News

Enforcer na naglabas ng patalim habang nanghuhuli ng jeepney driver, sinuspinde at iniimbestigahan

Suspendido at sumasailalim sa imbestigasyon ang isang tauhan ng Public Order and Safety Division (POSD) sa Baguio City matapos siyang maglabas ng patalim habang nanghuhuli ng motorista.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing viral na sa Facebook ang video ng pagtatalo ng isang driver ng jeep at mga tauhan ng POSD.

Sinabi ng hepe ng POSD na ilegal na nakaparada sa kalye ang jeep.

Tatanggalan na sana ng mga taga-POSD ng plaka ang jeep at titiketan na nila ang driver nang agad na bumunot ng patalim ang isa nilang tauhan.

ADVERTISEMENT

Mabilis na pumasok ng jeep ang driver, kumuha ng tubo saka hinabol ang enforcer.

Nagkaharap at nagkaayos sa huli ang driver at enforcer, kung saan umamin ang driver na nagkamali siya.

Sinuspinde naman ang enforcer habang iniimbestigahan ang insidente. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag. -Jamil Santos/MDM, GMA News