Arestado ang dalawang holdaper matapos umanong saksakin ng screwdriver ang biniktima nilang veterinary doctor, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.

Nakuhanan ng CCTV ang pangyayari sa labas ng isang veterinary clinic sa Barangay Mariana, Quezon City.

Naaresto ang dalawang suspek matapos silang habulin ng mga barangay tanod at taumbayan. Ang isa sa kanila nagtago pa sa ilalim ng van pero nakita rin ng mga humabol sa kaniya.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Mico Carlo Ereve at John Patrick Deonaldo na kapwa 18-anyos. Nai-turnover na sila sa pulisya.

Bagama't nagtamo ng saksak sa leeg at tagiliran ay ligtas na sa kapahamakan ang nabiktimang beterinaryo.

Nakuha mula sa mga suspek ang ninakaw nilang cellphone maging ang mga screwdriver na ginamit nila sa pananaksak. Paliwanag ng dalawa, nangholdap sila dala ng kahirapan sa buhay. —KBK, GMA News