Patay ang isang guwardiya sa isang ospital sa Maynila matapos barilin ng pasyenteng nang-agaw ng baril niya, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sugatan naman ang pasyente, na may sakit daw sa pag-iisip, nang makipagbarilan siya sa mga rumespondeng pulis at guwardiya

Naganap ang insidente sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel John Guiagui, hepe ng Manila Police District Station 3, sinaway daw ng guwardiyang si Arturo Budlong ang suspek dahil labas ito nang labas ng kuwarto.

Nang tumalikod ang guwardiya ay inagaw daw ng suspek ang baril nito at pinaputukan siya. Sa dibdib nagtamo ng tama ang biktima.

Walang ibang nadamay na pasyente at pulis sa gulo, ayon kay Guiagui.

Napag-alamang isang barangay kagawad sa Sampaloc, Maynila ang suspek, na ngayon ay nahaharap sa reklamong murder. Dinala raw ito sa ospital matapos saktan ang sarili nitong weekend.

Wala pang pahayag ang ospital hinggil sa insidente. —KBK, GMA News