Isang lalaki ang nangholdap sa isang bangko sa Otis, Paco sa Maynila nitong Lunes ng hapon.

Ayon kay Manila Police District chief Brigadier General Leo Francisco, nangyari ang insidente dakong 2:00 pm.

Nakatakas ang kawatan gamit ng motorsiklo.

Wala naman umanong nasaktan sa insidente at wala pang impormasyon kung magkano ang perang natangay ng salarin.

“Wala pang dini-disclose kung magkano ang nakuha. Sa physical na report ng imbestigador, OK naman ang bank employees. Sa pakikipag-usap sa bank manager, wala namang nababanggit na may nangyaring ibang insidente sa loob,” sabi ni Francisco sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at nagsagawa ng dragnet operation para mahuli ang holdaper.—FRJ, GMA News