Filtered By: News
News

Miyembro ng TMG iniimbestigahan kaugnay ng Olongapo massacre


MANILA – Iniimbestigahan ng pulisya ang isang miyembro ng Traffic Management Group na posibleng may kinalaman sa pagpatay sa modelong si Scarlet Garcia at tatlong iba pa sa Olongapo City noong nakaraang linggo. Ayon kay TMG Director Chief Supt. Perfecto Palad, inutos niya na isinalang si SPO1 Leopoldo Vitug Jr., nakatalaga sa Motorcycle Unit ng TMG, sa paraffin test at ang kanyang baril na cal. 45 sa ballistic examination matapos silang makatanggap ng impormasyon tungkol sa posibleng kinalaman nito sa krimen. "When I was informed that he (Vitug) is being linked to the crime, I immediately ordered that he undergo paraffin test at the PNP Crime Lab and his service firearm be subjected to ballistic examination," pahayag ni Palad nitong Linggo. Idinagdag ni Palad na inatasan niya si Vitug na laging ihanda ang sarili sakaling ipatawag kaugnay sa naganap na masaker sa Olongapo. Inaasahan na lalabas ang resulta ng mga pagsusuri kay Vitug sa Lunes. Lumutang ang pangalan ni Vitug sa kaso matapos makita ang ilang personal na gamit nito sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Ayon kay Palad, sinabi sa kanya ni Vitug na ang mga gamit na nakuha sa crime scene – isang PNP card at iba pang police paraphernalia – ay kinuha sa kanya ng isa sa mga biktima na si George Castor nang wala siya pahintulot. Si Castor ay napag-alam na pinsan ni Vitug. Huli umanong nakita ni Vitug si Castor noong Linggo (apat na araw bago naganap ang krimen). Itinanggi ni Vitug na may kinalaman siya sa masaker at tiniyak na makikipagtulungan sa mga imbestigador upang malutas ang kaso. Inihayag naman ni Palad na hindi magiging sagabal ang TMG sa pagsasagawa ng imbestigasyon. "That is why I immediately ordered that Vitug undergo examinations at the PNP Crime Lab purposely to help in the investigation and also to determine whether or not SPO1 Vitug has a hand in the massacre," ayon kay Palad. "We will not tolerate our men to be involved in criminal acts, but they also deserve to be cleared if they are found innocent," idinagdag niya. Nakita ang mga labi nina Garcia, kasintahan nitong si Castor, at dalawang iba pa na pawang may tama ng bala sa isang apartment sa Acacia Street, Barangay Gordon Heights sa Olongapo City. Bahagyang nasunog ang apartment kaya hinihinala ng mga awtoridad na tinangka ng salarin na itago ang krimen. - GMANews.TV