ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV
Bawal ang Pasaway: Bilyong Piso, Walang Resibo
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
BILYONG PISO, WALANG RESIBO BAWAL ANG PASAWAY Airing date: January 28, 2013 Noong 2012, P4.9 billion ang perang ginastos ng Senado at Mababang Kapulungan nang walang kaakibat na resibo. Katumbas ito ng mahigit 52% na budget ng dalawang kamara, na umabot ng kabuuang P9.37 billion.
Sa panayam ni Prof. Solita Monsod kay Commission on Audit chairperson Grace Pulido-Tan, lumilitaw na umabot ng P4.9 billion ang maintenance and other operating expenses (MOOE) ng Senado at Kongreso. Sa kasalukuyang proseso, ang anumang halagang klasipikadong MOOE ay magagamit kahit walang kapalit na resibo para sa audit. Ang kailangan lamang ay isang sertipikasyon na ito ay ginamit nang tama.
Kaya naman para sa COA, mainam ang kontrobersiyang ibinunga ng alitan sa Senado dahil umaasa silang magreresulta ito sa mas mahigpit na pagbabantay sa pondo ng bayan.
"May silver lining dito, and this will be good for the Filipino people," ayon kay Pulido-Tan.
Ayon pa kay Pulido-Tan, ang pag-iisyu ng sertipikasyon lang ay nagsimula noong 1998, sa ilalim ng pamumuno ng noo'y Senate President Marcelo Fernan.
Bukod sa kaluwagan sa paggamit ng MOOE, maari ding hingin ng isang mambabatas sa lider ng Kamara na ilipat ang anumang pondo ng kanyang opisina bilang MOOE.
Para sa hepe ng COA, ang pagkakalahad ng ganitong sistema dahil sa away sa pondo ng Senado ay resulta ng matatawag na "divine providence" at "cosmic forces" para maging mas malinis ang paggamit ng pera ng mga mamamayan.
"Things have a way of falling into place. It's the will of God," ayon kay Pulido-Tan, bilang pagtukoy sa pagkakalahad sa publiko ng paggamit ng MOOE sa Senado, bunsod ng di pantay na pamamahagi nito noong Disyembre ni Senate President Juan Ponce Enrile. Ikinagalit ng apat na senador ang maliit nilang bahagi sa pondo.
Kaugnay nito, tinanggihan ng hepe ng COA ang panukalang pag-audit ng ibang grupo sa pondo ng dalawang kamara ng Kongreso. Ito ay trabaho ng COA, at di dapat ipasa sa ibang grupo, ayon pa sa kanya. Nagsasagawa na rin daw ng pag-aaral ang COA sa sistema ng paggamit ng confidential funds ng lahat ng ahensiya ng gobyerno.
Alamin kung paano ginagamit ng mga nasa gobyerno ang pera ng bayan sa Bawal ang Pasaway Kay Mareng Winnie sa Lunes, ika-10 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.
More Videos
Most Popular