Bagong DENR Sec. Gina Lopez, eksklusibong makakapanayam sa 'Bawal ang Pasaway'
Bawal ang Pasaway: DENR Secretary Gina Lopez, eksklusibo
Monday, July 4, 2016
10:15 PM
GMA News TV

Bumaba ang stock market particular sa sektor ng pagmimina nang pangalanan ni Pres. Duterte ang kaniyang napiling kalihim ng Department of Environment and Natural Resources, si Regina “Gina” Lopez. Kilalang anti-mining advocate si Lopez, na nagmula sa kilalang angkan na nagmamay-ari ng Meralco, Rockwell Center, at isang TV station. Nasa negosyo rin ng renewable energy generation at parks development ang pamilya niya. Nakakagulat nga ba na isang gaya niya ang napili ni Duterte samantalang sinabi nito noon na nakareserba na sa komunista ang posisyon? Mapatunayan kaya ni Lopez na pasaway lang ang mga naninira sa kanya?
Ngayon, sa unang pagkakataon, nagpaunlak ng esklusibong sit down interview si Sec. Gina Lopez kay Mareng Winne para sa GMA News TV.
Ayon kay Lopez, nag-uusap lang sila ni Pangulong Duterte tungkol sa pagmimina nang biglang inalok sa kanya ng pangulo ang pagiging kalihim ng DENR.
Sa panayam sa kanya ni Mareng Winnie, tinanong ng Bawal Ang Pasaway host kung bakit ang mayaman na tulad niya ay naging isang environmentalist at isang misyonaryo. Sa kanyang pagtugon, nabanggit ni Lopez na noong nag-aaral daw siya sa Amerika ay isinama siya sa isang ashram. Doon niya naisip na gusto niyang maglingkod sa Panginoon. Umuwi umano siya sa Pilipinas para magpaalam sa kanyang ama upang maging isang misyonaryo, at pinayagan naman siya nito.

Matapos ang ilang taong paninirahan sa Africa bilang isang misyonaryo, umuwi si Gina sa Pilipinas. Naging abala naman siya sa reforestation ng La Mesa Dam.
Naging aktibo siya sa mga anti-mining causes nang makita niya kung ano ang naging epekto ng pagmimina sa mga tao. Ngunit paglilinaw ni Lopez, hindi siya tutol sa mga mining industries dahil karamihan sa mga may-ari nito ay kakilala niya. Ang ayaw lang umano niya ay ang paghihirap ng mga tao na naging sanhi ng pagmimina.
Kwento ni Lopez, noong inalok sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang posisyon bilang kalihim ng DENR, noong una ay ayaw niya. Ayon sa kanya, ayaw niyang magulo ang kanyang spiritual life. Pero matapos ng meditation at pag-iisip, tinanggap na rin niya posisyon.
Ano kaya ang masasabi niya sa mga opinyon na hindi sya nararapat sa posisyon? Ano kaya ang magiging mga proyekto ni Gina Lopez sa departamento para maisakatuparan ang pangako ng administrasyong Duterte na “Change is Coming”? Panoorin ang kabuuan ng kanyang panayam ngayong Lunes sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, pagkatapos ng SONA.