‘Bawal ang Pasaway’ Exclusive: Sino nga ba si Edgar Matobato?
GMA News TV
October 3, 2016
Monday, 10:15 PM
Bawal ang Pasaway: Sino si Edgar Matobato?

Handa na siyang mamatay, wika ng lumantad na hitman umano ng tinaguriang Davao Death Squad na si Edgar Matobato. “Ibinigay ko na sa Diyos ang buhay ko,” pag-amin niya sa panayam kay Mareng Winnie.
Grade 1 lang ang natapos, hirap magbasa at magsulat, kahit sariling pirma ay minsan baluktot pa -- sa halip nito hinarap ni Matobato ang panghuhusga ng mga senador nang siya’y ipinresenta ni Sen. Leila De Lima sa kanyang imbestigasyon sa mga drug-related killings noong ika-15 ng Setyembre.
Sa kanyang salaysay, sinabi ni Matobato na ilang beses daw siya pumatay sa pag-uutos ng dating mayor ng Davao at ngayo’y Pres. Rodrigo Duterte. Pawang kasinungalingan daw ito, ani Sen. Alan Peter Cayetano, running mate ni Pres. Duterte noong nakaraang eleksyon. Pero ayon kay De Lima, isa sa nangungunang kritiko ng Pangulo, ang mga butas sa testimonya ni Matobato ay hindi patunay na nagsisinungaling siya.
Sa kanilang pag-uusap ni Mareng Winnie sa isang safe house, ikinwento ni Matobato ang kaniyang nakaraan. Pinugutan ang kanyang ama ng NPA sa harap niya mismo, at dito nagsimula ang kanyang pagtahak sa landas ng karahasan.

Sa pagkamatay ng kanyang ama, naging magtotroso si Matobato. Kumikita siya noon ng P200 kada araw, ngunit sa pagnanais na buhayin ang mga kapatid, tinaggap niya ang alok na pumatay ng tao sa halagang P3,000.
Noong 1998 napabilang siya sa “Lambada Boys” na kinalaunan ay tinawag na Davao Death Squad. Isa siya sa pitong nanguna sa grupong ito at kilala raw umano siya bilang hitman. Sa kanyang pagkakaalam, pumapatay daw sila ng kriminal. Wala umanong pinipiling oras ang kanilang trabaho; basta bumaba ang utos, dapat umpisahan kaagad. Alam daw ito ng mga pulis ng Davao at sila pa mismo ang nagbibigay ng hudyat kung sino ang papatayin.
Pero bakit siya umaamin ngayon sa pagpatay, lalo pa’t ipinapahamak lang niya ang kanyang sarili at ang kanyang mga mahal sa buhay?
Sa unang pagkakataon, lalantad sa telebisyon ang anak ni Matobato para ibahagi ang nararamdaman niya sa pag-amin ng kanyang ama, at sa mga banta sa kanilang seguridad. Paano ba nabago ang buhay nila matapos ang rebelasyon ng kanyang ama? Makakausap rin ang mga taong nakakakilala sa kanya. Sa kanilang pagkaka-alam, nagsisinungaling ba si Matobato? Totoo ba ang kanyang mga kuwento tungkol sa Davao Death Squad?
Kilalanin kung sino talaga si Edgar Matobato, at alamin kung ano pa ang hindi niya naisisiwalat sa Senado. Abangan ang nakagugulantang na panayam sa "Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie" ngayong Lunes, 10:15pm sa GMA News TV.