ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Reel Time presents: Batang Beki


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
REEL TIME: BATANG BEKI
Airing date: April 7, 2013

Sino ba ang batang "beki" o bading ? Makikilala ba siya sa kanyang kendeng? Sa kanyang bihis? O sa pilantik ng kanyang daliri?

Sa edad na labing-isa, sigurado si Arvie na siya ay isang beki. Gusto raw niyang maging hugis-babae at magbihis-babae. Masaya siya sa piling ng kanyang mga "ate"--- ang mga nakatatandang bakla sa kanilang komunidad. Pero hindi mapigil ang pag-iling ng nanay ni Arvie. Hadlang raw kasi sa mga pangarap niya para sa kanyang panganay ang pagiging bakla nito. 

Para naman kay Eugene, nakakatulong ang kanyang pagiging bakla tungo sa kanyang pangarap. Sa edad na labing-walo, siya ang inaasahan ng kanyang mga magulang at kapatid. Ang kanyang pagiging bakla raw ay nakakatulong sa kanyang trabaho- ang magbenta ng mani. Mabenta raw ang kanyang paglalako kapag sinasamahan niya ng pagiging masiyahin at nakakaaliw na estilo ng paglalako. Katatapos lang ni Eugene sa high school kaya pinaghahandaan at pinagiipunan niyang mabuti ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo.

Ngunit sino ba ang nagsasabi kung sino ang “beki”? Kung si Arvie at Eugene komportable na sa kanilang pagiging beki, kabaliktaran naman ito para sa mahiyaing si Joshua. Pamilya na niya mismo ang nagsasabing isa siyang beki dahil makikita naman raw ito sa kanyang kilos at galaw. Ngunit hindi gusto ni Joshua ang ganitong tingin sa kanya. Ang kiming bata, may naisip na paraan! Magpapatuli na raw siya para solusyunan ang kanyang problema.

Ang "Batang Beki" ay mapapanood ngayong Linggo, April 7, alas 9 ng gabi sa Reel Time, GMA News TV Channel 11.