Buhay New Zealand (1)
Mga kabayan, Halos magdadalawang taon na kami rito sa bansang New Zealand. At hanggang ngayon ay nasasabik pa rin kami sa klima ng bansang Pilipinas, sa mga okasyon, pagkain, Pinoy kwentuhan, pakikinig sa saliw ng tugtog ng mga punong dahon sa probinsya. Higit sa lahat ang kapiling mo ang buong pamilya sa isang dula habang sinasariwa sa inyong isipan ang mga bakas ng kasaysayan ng inyong kabataan. Ngunit hindi ito ang aking kwento dahil alam kong lahat tayo ay may pananabik sa ganda ng ating bansa. Nais kong ibigay sa inyo ang isang buhay na testimonya ng buhay sa ibang bansa partikular dito sa kanlurang bahagi ng mundo. Taong 2002 kinumbinse ako ng aking maybahay sa mangibang bansa at tinukoy nya ang bansang ito na matagal na niyang nais marating. Dahil sa mahal ko ang aking asawa, pumayag ako sa kanyang paglalambing - kahit sa kabila noon ay nagtatalo ang aking kaisipan tungkol sa biglang pagbabago ng lahat sa aming buhay. Taong 2006, buwan ng Nobyembre kami lumapag sa paliparan ng Auckland airport. Sinalubong kami ng aming ninong sa kasal na isang (kiwi or New Zealander) at tumira kami sa kanilang bahay ng isang linggo bago kami lumipat sa bahay na kanilang hinanap para sa amin. Ito po ang gusto kong makita ng ating mga kababayan bago kayo magdesisyon na mangibang bansa. Nais kong ipaalam sa inyo ang mga pangyayari at mga bagay na dapat ninyong isaalang-alang. Ang mga mahahalagang bagay dahil hindi mo lang buhay ang iyong pagpapasyahan kundi sampu ng iyong kasambahay. Maaari lamang pong humakbang muna kayo ng isang pabalik at pag-aralan ito at ihambing ang mga bansang inyong nais puntahan. Gastos Gaano ba kalaki ang halaga ang kakailanganin naming pamilya para sa lahat-lahat na gastos? Hindi po biro ang kumilos ng maiksi ang iyong pisi kaya kung maaari ay tingnan mo muna ang iyong kabang-yaman. Sa aking palagay, kung may malakas na loob sa mga taong nanirahan sa ibang bansa, masasabing kong isa na kami sa mga taong iyon. Dahil sa totoo lang po dumating kami rito na ang total pocket money namin ay US$1000 lang - at family of four kami. Limang taon ang aming anak na panganay at 2-taon naman ang aming bunsong anak. Hindi namin alam na ang rent ng bahay dito ay per week, minimum rent sa two (2) bedroom ay NZD 240. Kailangan naming mag-bond ng NZD 500 para sa rent, at kailangan din naming kumain everyday. Bilang isang ama, napakahirap isipin at tingnan ang naghihingalong kapirasong salapi sa palad. Paano po namin nalampasan ito? Hindi po namin alam. Ito po ay sa awa ng Diyos dahil binubuhay po nya kami everyday at everyweek, ibinibigay nya po ang kailangan namin. Ang aral po, alamin muna ninyo ang kalakaran ng negosyo or political na kalagayan ng mga bansa or lugar na inyong pupuntahan. Tax Kung lilipat ka ng bansa at nais mong manirahan at kumita ng extra money, dapat na tingnan mo rin kung gaano kalaki ang buwis na kakaltasin sa sweldo mo. Napansin ko sa America maraming kategorya ng tax nila depende sa lugar na iyong pinagtatrabahuhan. Minsan may Community Tax at may personal tax pa. Dito po sa New Zealand binabawasan ng 20 percent ang iyong sweldo. Wala ng iba pang tax na babayaran kumpara sa US. Sa nakikita naman namin, sulit ang ibinabayad namin sa tax gawa ng halos lahat na government property ay maaari mong gamitin ng libre. At malinis ang kanilang pasilidad lalong-lalo na ang mga public toilets, park, at iba pa. Mas madali kang makaipon kung mababa ang tax na iyong binabayaran malaki ang takehome money mo. Edukasyon Nais naming mabigyan ng magandang edukasyon ang aming mga anak kaya kami lumipat dito sa bansang ito, bakit? Una, libre ang edukasyon with student assistance mula sa gobyerno. Ika nga, dito libreng mangarap ng kahit anong kurso dahil wala kang babayaran para makamit mo ito. Kaya naman pakaraming mga taga-ibang bansa ang nagpipilit na maging mamamayan dito dahil sa libreng edukasyon. Hindi tulad sa ating bansa, napakamahal ng matrikula. Pero hindi natin masisisi ang education system natin, I think this is a another global issue. Pero iba lang talaga rito, education is free. (Itutuloy) - GMANews.TV Antonio Ortiz Buhay New Zealand (2) Mga Kapusong Pinoy! Marami kaming natatanggap na papuri at pasasalamat mula sa ating mga kababayan sa abroad dahil sa ating Kwentong Kapuso. Nagpapasalamat sila dahil nabigyan sila ng puwang sa Pinoy Abroad section ng GMANews.TV na marinig ang kanilang saloobin. Ang iba naman na hindi nagbabahagi ng kanilang kwento ay ipinapahatid ang kanilang pasasalamat dahil nakakapulot sila ng aral at kaalaman sa mga Kapuso natin na nagpadala ng kanilang kwento. Mas marami ang nagsasabi na ang kwento ng iba ay kwento rin nila. Dito ay nalalaman nila na hindi lang sila ang dumadaan sa ganoong mga sitwasyon. Mga kwentong humaplos sa kanilang puso at nagpapatatag sa kanilang kalooban. Nais po naming ipaalam sa inyo mga Kapuso sa abroad na kami ang dapat magpasalamat sa inyong pagtitiwala na ibahagi ang inyong kwento. Ang bawat pagbubukas nyo ng inyong puso - malungkot man o masaya - ay nagbibigay sa amin ng kaalaman kung papaano ang buhay ng malayo sa bansa, lalo na sa mga mahal sa buhay. Hindi kami magsasawa na basahin ang inyong kwento, maigsi man ito o milya-milya ang haba. Kahit ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kaya naman wala lang, dahil walang magawa. Ang effort nyo na magbukas ng computer o laptop, at bisitahin ang ating GMANews.TV ay malaking pasasalamat na - papaano pa kaya ang maglaan kayo ng panahon na magtipa ng inyong kwento at ipadala sa amin - ay talagang nagpapataba ng aming puso. Kaya hihintayin pa rin namin ang inyong mga email sa Pinoyabroad@gmanews.tv para magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Saludo po kami sa inyong pagsasakripisyo mga Kapuso. At maraming salamat sa inyong walang tigil na pagtitiwala.