ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga kaso ng pang-aabuso at aksidente ng mga bata, tatalakayin sa 'ALISTO'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Alisto!
Airing Date: May 4, 2013



Isang dalawang-taong-gulang na batang babae ang natagpuan na nakahandusay sa madamong bahagi ng palayan sa Cagayan de Oro. Walang malay ang paslit, puno ng galos ang mukha at tila wala nang buhay. Agad na dinala ang bata sa ospital at pinalad na makaligtas. Pero ang masaklap, lumabas sa resulta ng medico-legal na ginahasa ang bata. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na tatlong lalaki ang diumano’y nagsamantala sa bata. Dahil sa pangyayari, labis na trauma ang dinanas ng kanyang pamilya na hanggang ngayo’y sumisigaw pa rin ng hustisya. Bagama't napasakamay na ng mga pulis ang dalawa sa mga suspek, nakalalaya pa rin ang itinuturong mastermind sa panghahalay. Ang buong kuwento, mismong isasalaysay ng ina ng bata at ng imbestigador na humawak sa kaso.

Tila laganap pa rin ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga bata. Sa video na ipinadala ng ilang youscooper, kitang kita kung paanong ang mismong mga magulang ng bata ang nanakit sa kanila.  Hinahampas ng yantok, kinakaladkad at sinisipa—mga klase ng pang-aabusong hindi dapat sinasapit ng sinumang paslit.

Tunghayan din ang ilang amateur video na nagpapakita ng aksidenteng sinapit ng ilang menor de edad. Sa isang bakery sa Antipolo City, isang binatilyo ang naipit sa dough roller o makinang pang-masa ng tinapay.  Isang bata rin ang naipit naman sa gulong ng isang truck.  Anu-ano nga ba ang ilang paraan para masigurong ligtas ang inyong mga anak sa ganitong disgrasya?

Samahan si Igan, Arnold Clavio ngayong Sabado, ika-4 ng Mayo, 4 PM pagkatapos ng Startalk.

Hindi ka biktima. Maging ALISTO!