Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

PWD athletes, tampok sa ‘Brigada’


BRIGADA

November 12, 2019

8 pm sa GMA News TV

 

 

PWD ATHLETES

Matinding dedikasyon ang ibinubuhos ng mga atleta para lamang maging bihasa at matagumpay sa napili nilang larangan. Kaya naman lubos na kahanga-hanga ang mga atletang may kapansanan na nagpupursigi para makamit ang inaasam na gintong medalya. Isa sa kanila ang tinaguriang “Blind Runner” na si Aga na kabi-kabila ang mga tinatakbong marathon sa kabila ng kanyang kapansanan sa paningin. Ganito rin ang ipinamamalas ng mga miyembrong persons with disability o PWD ng Philippine Paradragon Elite Team na kahit walang mga braso’t binti ay nagawa pa ring makasungkit ng apat na gintong medalya sa katatapos lang na ika-14 na International Dragon Boat Federation (IDBF) World Nations Championships sa Thailand. Nakilala ni Lala Roque ang ilan sa mga pinakamahuhusay na PWD athletes ng bansa.

 

MALNUTRISYON

Maagang namulat sa hirap ng buhay ang 15 taong gulang na si John Paul. Sa tuwing may bakante siyang oras mula sa pag-aaral, makikitang namamasada ng pedicab ang binata sa Baseco sa Maynila, at madalas nalilipasan ng gutom dahil sa maghapong pagbabanat ng buto. Ito marahil ang dahilan kaya napabilang siya sa mga severly stunted o bansot na estudyante ng Hermenegildo J. Atienza Elementary School na siyang nanguna sa listahan ng mga paaralan sa National Capital Regino na may mga estudyanteng bansot at severely wasted o hindi akma ang timbang base sa tangkad. Inalam ni Mariz Umali ang dahilan kung bakit tila kulang na kulang ang nutrisyong araw-araw na nakukuha ng mga bata.

Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento't bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Martes, alas-otso ng gabi sa iisang Brigada.

Tags: brigada
LOADING CONTENT