Dokyu-pelikula na “Landas,” ipalalabas sa GMA-7 para sa Eleksyon 2013
Bilang paghahanda para sa Eleksyon 2013, isang espesyal na programang pinamagatang “Landas” ang ipalalabas ng GMA News and Public Affairs sa unang Linggo ng Mayo. Layunin nitong hikayatin ang mga botante na maging mas mapanuri sa pagpili ng iboboto, dahil bukod sa kahihinatnan ng ating bayan, nakasalalay din sa desisyong ito ang kinabukasan ng sarili nating buhay at pamilya.
Pinaghalong dokumentaryo at pelikula ang tema ng “Landas” na pinangungunahan ng batikang broadcast journalist na si Vicky Morales. Bibigyang buhay naman ng mga Kapuso artists na sina Mike Tan, Joyce Ching, Neil Ryan Sese, Nanding Josef, at Chynna Ortaleza ang kuwento tungkol sa isang hired gunman at ang landas na kanyang tatahakin: pera at panandaliang solusyon sa problema o ang kinabukasan ng kanyang pamilyang sadlak sa kahirapan?
Narito ang ilan pang mga paksa na tatalakayin ng “Landas”:

KAHIRAPAN. Dahil sa hirap ng buhay, marami ang napipilitang gumawa ng masama para kumita ng perang ipangtutustos sa pangagailangan ng kanyang pamilya.
Si Mike Tan ang magbibigay buhay sa karakter na si Jay, isang gunman na nahaharap sa dalawang magkaibang daan. Ano kaya ang kanyang pipiliin: pera o konsiyensya?
KORAPSYON. Sino nga ba ang dapat sisihin: silang nasa pwesto o ang mga taumbayan na nagpapaloko?
Gaganap ang batikang aktor na si Nanding Josef bilang si Mayor Mauricio Fabian, isang corrupt na pulitiko. Dahil papalapit na ang eleksyon, gumagawa na ng hakbang si Mayor Fabian upang pagtakpan ang maling mga bagay na ginawa niya sa kanyang panunungkulan.

INTEGRIDAD. Gaano pa nga ba katapat sa kanilang tungkulin ang mga opisyal ng gobyerno ngayon?
Walang kinatatakutan. Iyan ang karakter na gagampanan ng Kapuso actress na si Chynna Ortaleza--ang Commission on Audit auditor na si Lara Manalili. Siya ang sisiyasat sa mga lihim ni Mayor Fabian (Nanding Josef) na kalaunan ay magdadala sa kanya sa isang alanganing sitwasyon.

KABATAAN AT EDUKASYON. Ayon sa Pambansang Bayani nating si Dr. Jose Rizal, kabataan ang pag-asa ng bayan. Pero anong klaseng kinabukasan ang naghihintay sa bayan kung simula’t sapul, sila ay napabayaan at hindi nabigyan ng sapat na atensiyon upang lumaki bilang marangal na mamamayan?
Kung tutuusin, karapatan ng isang bata ang makapag-aral, hindi pribilehiyo na nakukuha lamang ng iilan.
Ang Kapuso teen star naman na si Joyce Ching ang gaganap bilang si Julia, ang nakababatang kapatid ng gunman na si Jay (Mike Tan).
PAMILYA. Ano ang kaya mong gawin para iyong pamilya? Aabot ka ba sa punto ng paggawa ng masama sa ibang tao para sa kanila?
Nais ipaalala ng “Landas” na sa eleksyon, apektado rin ang kinabukasan nila sa magiging desisyon ng bawat isa sa atin.
Mapapanood ang “Landas” sa Mayo 5, 10:30 PM sa GMA 7.
Photos by John Madrigal, Text by Rica Fernandez.
–PF, GMA News