Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pasig City double murder case, sisiyasatin sa 'Imbestigador'


PASIG CITY DOUBLE MURDER CASE

Sa pagganap nina Vaness del Moral, Paolo Paraiso at William Lorenzo
May 28, 2022 Sabado 4:45pm pagkatapos ng Wish Ko Lang

 

Nito lamang ika-dalawampu’t walo ng Marso, tinawagan ni Mary Louise Salvador ang Japanese national niyang stepfather na si Yasunori Mori. Pero hindi sumasagot sa tawag ang ama. Kaya sunod niyang tinawagan ang pinsan niyang  nagbabantay kay Yasunori pero wala ring nakuhang sagot si Mary Louise.

Dahil dito nagpasiya na siyang puntahan ang bahay ng ama sa Pasig. Pagpasok ng bahay, wala naman daw siyang napansing kakaiba. Pero pagdating sa ikalawang palapag, dito na umalingasaw na ang nakasusulasok na amoy. Hanggang tuluyang tumambad ang bangkay ng stepfather niyang si Yasunori at pinsang si Anna Marie Dalusong.

Sa paunang imbestigasyon ng Pasig City Police, itinuring pang “person of interest” sa krimen si Mary Louise. Pero may iba siyang idinawit na posibleng nasa likod ng krimen. Lumutang din ang mga kuha ng closed circuit television camera na nagdiin sa suspek.

Paano sinapit ng dalawang biktima ang pagpaslang? Sino ang nasa likod ng kanilang pagkamatay?

Tutukan ang mga detalye ng kasong ito sa pagganap nina Vaness del Moral, Paolo Paraiso at William Lorenzo sa Imbestigador ngayong May 28, 2022, Sabado 4:45 ng hapon pagkatapos ng Wish Ko Lang sa GMA.