Kambal na biyaya, kambal na pagsubok

Araw-araw, pilit na ginigising ni Irdy ang kanyang ama na si Francis ---- nagpapakitang-gilas, kumakanta, nangungulit para lamang pansinin siya nito.
Samantalang sa isang tabi, hindi pa rin mawari ni Shieka kung paano ipapaliwanag sa anak ang tunay na sitwasyon ng kanyang asawa.
Kambal na biyaya
Bago datnan ng malubhang sakit, masayahin at mapagmahal na haligi ng tahanan si Francis. Tuwing off duty sa pagiging pulis, si Francis na raw ang nag-aalaga sa anak na si Irdy.

Kahit maligaya na sila sa kanilang panganay, nais pa rin nilang madagdagan pa ang kanilang munting pamilya.
At noong January 2, natupad ang kanilang panalangin – nagdadalang-tao si Sheika at hindi lang isa, kundi dalawa ang kanilang magiging anak!
“As in happy talaga siya, kahit sino ‘yung makita niya, ‘yung mga kakilala niya, sinasabi niya na twins daw ang anak namin.”
Hindi pa lubos makapaniwala si Shieka nang mga panahong iyon, pero nung nakita niya ang kasiyahan na dala nito sa kanyang kabiyak – nagpasalamat na lang siya sa kambal na biyayang kanilang natanggap.
Pero lingid sa kanilang kaalaman, ang biyayang natanggap, may kakambal palang pagsubok.
Simula ba ng wakas?
Sa Sinulog Festival sa Cebu nitong nakaraang Enero, magdamag na naka-duty si Francis. Pagkatapos ng trabaho, nakisalo pa raw ang mag-asawa sa party kasama ang kanilang mga kaibigan.
Maaga naman silang umuwi noon pero kinabukasan, nagrereklamo na si Francis na masakit ang kanyang dibdib.
Tumalikod lang daw saglit si Shieka para sundan ang naglalarong si Irdy, pero pagtingin n’ya sa asawa ay tila nabubulunan daw ito. Agad siyang humingi ng tulong para madala sa ospital si Francis.
Pagdating sa ospital, dead on arrival nang maituturing ang kalagayan ni Francis, pero sa kabutihang-palad ay nailigtas pa siya ng mga doktor.
Hypoxic and Ischemic Encephalopathy (HIE) raw ang nangyari kay Francis dahil sa cardiac arrest o atake sa puso at cardiac arrythmia o iregular na pagtibok ng puso. At dahil walang dumadaloy na hangin patungo sa kanyang utak ay naapektuhan din ito kaya idineklara na siyang comatose.
Matapos ang halos tatlong buwan sa ICU, inuwi na siya sa bahay para doon na lang maalagaan.
Natutulog na mga pangarap
Siyam na buwan na ngayong comatose si Francis. Sa isang paupahang bahay sa Cebu City na nakatira ang kanilang pamilya.

Sa apat na sulok ng isang maliit na kwarto na ngayon umiikot ang mundo ng mag-asawa. Sa maliit na kwartong ito rin tila nakulong ang mga pangarap ng kanilang pamilya.
Halos hindi na makilala ang dating masayahin na si Francis. Malayong-malayo na sa matikas at malusog nitong pangangatawan noon.

Samantala, ang dalawang taong gulang na ngayong si Irdy, walang tigil sa paggising sa kanyang ama.
Kahit walang kasiguraduhan kung naririnig siya nito, patuloy lang ang pagpapakitang-gilas ni Irdy sa kanyang ama.
Si Shieka naman ay hindi na magkandaugaga sa pag-aalaga sa asawa at sa kambal nilang anak na iniluwal niya noong nakaraang Agosto.
Unti-unti na ring nauubos ang ipon ng pamilya para sa anim na beses kada linggong physical therapy session ni Francis.

Umaasa na rin lang sila sa kaunting tulong na natatanggap mula sa mga kaibigan at katrabaho ni Francis.
“Mahal na mahal ko po siya, at gagawin ko po ang lahat para lang sa kanya.”
Habang patuloy ang pag-aalaga ni Shieka sa asawa, patuloy din siyang nananalangin na sana’y magising na si Francis para sa wakas, makilala na rin niya ang kanilang mga bunso.---Zebadiah Cañero/ARP, GMA Public Affairs
Mga Kapuso, para sa mga nais magpaabot ng tulong sa pamilya ni Francis, ipadala lamang ang inyong donasyon kay Francis Michael L. David, Landbank Account number: 2497116387.