Dating senador Rene Saguisag, tampok sa 'Powerhouse' ngayong Martes
Kuwento ng pulitika, tagumpay at wagas na pag-ibig ang mapapanuod kasama si dating Senador Rene Saguisag ngayong Martes sa Powerhouse.
Kilala sa pagiging anti-Marcos noong panahon ng Martial Law, naging malapit na kaibigan at taga-suporta ni dating Pangulong Cory Aquino si Rene.
Bata pa lang ay pinangarap na niyang maging abogado. Kaya naman nang matapos sa kursong Pre-Law, nagdesisyon si Rene na ituloy-tuloy na ang pag-aaral ng abogasya. At para masuportahan ang sarili, namasukan siya bilang part-time security guard sa umaga at nag-aral naman sa gabi. Hindi naman nasayang ang hirap at puyat niya nang maging Top 6 sa Bar Exams noong 1963. At noong 1968, mapalad siyang nabigyan ng full scholarship para sa Master of Laws sa prestihiyosong Harvard University sa Amerika. Nang makatapos at makabalik sa Pilipinas, naging malinaw ang misyon niya: ang maging human rights lawyer.
Sa tahanan ng abogado, makikita ang pagkahilig niya sa mga antigong muwebles na gawa sa kahoy at may mga kakaibang carvings. Makikita rin sa bahay ang impluwensiya ng feng shui; magmula sa malaking aquarium na naglalaman ng arowana na halos anim na talampakan ang haba, hanggang sa mga buddha na makikita sa lahat ng sulok ng bahay.
Sa pag-uusap nila ni Mel, ikukuwento ni Rene ang mga naging karanasan niya sa mga unang taon niya sa serbisyo-publiko, ang patuloy na pakikipaglaban niya laban sa human rights violation at ang dahilan sa kontrobersiyal na desisyon niyang ipagtanggol si dating Pangulong Estrada. Babalikan din niya ang matamis na pag-iibigan nila ng asawang si Dulce at ang malagim na aksidente na kumitil sa buhay nito.
Isang kakaibang Atty. Rene Saguisag ang mapapanuod kasama si Mel Tiangco sa Powerhouse, Martes, 8PM sa GMA NewsTV.