ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Tulay' at 'Batang Burak' sa Reporter's Notebook


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
REPORTER'S NOTEBOOK July 10, 2012 TULAY Ulat ni Jiggy Manicad Salamin daw ng maunlad na lipunan ang pagkakaroon ng maayos na tulay. Kung ito nga ang sukatan, tila malayo pa ang kailangang lakbayin.  Taong 1994 nang ilunsad ang President Bridge Program, proyektong naglayong magpatayo ng mga tulay sa iba't ibang panig ng bansa. Mahigit labing-isang bilyong piso ang pondong inilaan para ipatupad ito. Hanggang sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ang proyekto. Pero sa pinakahuling ulat ng Commission on Audit, iba't ibang iregularidad ang nakita sa programa. Ayon sa COA, sa mahigit 500 tulay na ginawa sa ilalim ng programa, 95 ang may sira o kaya naman ay hindi maayos ang pagkakagawa. Mula nang ilunsad ito, umabot lamang sa 1,300 tulay ang naipatayo, malayo sa target na 15,000. Kaya hindi raw nakapagtatakang marami pa ring lugar ang nagtitiis na walang matawirang matibay, kongkreto at maayos na tulay. May mga programa ba ang kasalukuyang pamahalaan para tugunan ito?   BATANG BURAK Ulat ni Maki Pulido Papataas ang kanilang bilang at paparami rin ang nasasadlak sa mga mapanganib na uri ng trabaho. Sa nakalipas na isang dekada, ito ang malungkot na mga numerong sumasalamin sa kaso ng child labor sa Pilipinas. Sa pinakahuling tala ng National Statistics Office, umabot na sa mahigit 3 milyong menor de edad ang nagbabanat ng buto sa bansa. Sa bilang na ito, pinakamarami ang mga nasa itinuturing na "extreme risk" o mapanganib na kaso. Kamakailan, inilunsad ng Department of Labor and Employment ang proyektong "Batang Malaya" na naglalayong tugunan ang problema sa pamamagitan ng pagbibigay kabuhayan sa ilang pamilya. Sagot na nga ba ito upang wakasan ang lumalalang problema sa child labor?