Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Pasyal de peligro' at 'Panlasa ng masa,' ngayong Linggo sa Reporter's Notebook


 


PASYAL DE PELIGRO

LINGGO / 9:15PM SA GTV

Ngayong summer at bukas na ulit ang mga pasyalan, marami ang dumayo sa mga resort, ilog at dagat. Pero paano kung sa gitna ng iyong bakasyon, manganib ang iyong buhay?

 

 

Sa Bitbit River, Norzagaray, Bulacan, buhat-buhat ng ilang kalalakihan ang isang walang malay na batang lalaki  na kinilalang si Nikko Serrano. Isang lalaki naman ang nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation o CPR sa batang nalunod. Masagip kaya nila ang buhay ng binatilyo?

 

 

Nang bisitahin ng aming team ang Bitbit River, naaabutan namin ang kumpulan ng mga tao. Isang binatilyo na naman pala ang nalunod sa ilog. Sinusubukang i-revive ang bata pero hindi siya nagkamalay. Agad isinugod sa ospital ang biktima si Russel Marpega, labingtatlong taong gulang. Sumama lang daw siya sa outing ng mga kalaro sa basketball.

 

 

Nalagay din sa panganib ang buhay ng mga turistang ito na pauwi na sana pagkatapos bisitahin ang isang isla sa Camarines Norte. Sa gitna ng kanilang biyahe, tumaas ang alon at biglang nabutas ang sinasakyan nilang bangka hanggang sa unti-unti itong pinasok ng tubig.

 

 

Makaligtas kaya sila sa gitna ng peligro? At paano maiiwasan ang mga ganitong uri ng aksidente?

 

PANLASA NG MASA

LINGGO / 9:15PM SA GTV

Para sa isang ordinaryong manggagawa na mahigit walong oras kumakayod bawat araw, sapat pa nga ba ang kinikitang 537 pesos na minimum wage para makakain ng tatlong beses sa isang araw?

 

 

Kung kapos sa budget, sagot ka na raw ng ilang kainang aming binisita. Alas otso pa lang ng umaga, hinahanda na ni Anna Metre ang tatlong kaserola. Laman nito ang mga ulam na inilalako nila sa iba’t-ibang kalye sa Metro Manila. Ang kanilang specialties ay langka, laing at tulingan. Suki raw nila ang mga trabahador na minimum wage earner sa kanilang lugar. 50 pesos ang presyo kada order ng laing at langka at 95 pesos naman sa tulingan.

 

 

Kung mas maraming choices naman na lutong bahay ang hanap niyo, ang karinderya nina Alondra sa Makati ang bahala sa’yo. Pwedeng matikman dito ang kalderetang baka, ginataang hipon, afritada, pork barbecue at adobong pusit at lahat daw iyan, pasok sa budget. Kaya naman dito ang takbuhan ng maraming manggagawa sa lungsod tulad ni Manuel Calinger, isang gasoline boy at isa ring minimum wage earner.

 

 

Ang isa pang naabutan namin na si Enrico na nagtatrabaho naman sa isang warehouse, imbis na sa harapan pumila para pumili ng ulam. Dumiretso siya sa may lutuan ng sabaw sa likuran ng karinderya.  Ang binili naman niya—isang kanin at saka humingi ng sabaw.

 

 

Swak na swak rin daw sa budget ang dinarayong paresan ni Rowell Ramos.  Limang oras na pinapakuluan ang iba’t ibang parte ng baka tulad ng karne, lamang-loob, puso at utak. Pagkatapos ay tinimplahan ito ng kanilang special pares recipe. Sa halagang 50 pesos, pwede mo nang matikman ang beef pares with rice.

 

 

Dahil abot-kaya, nakakatulong sina Anna, Alondra at Rowell sa mga ordinaryong manggagawa na sa mga kainan nila pinipiling kumain. Sa ngayon ay aabot sa 13,962 pesos ang monthly income ng isang minimum wage earner sa Metro Manila. Pero ayon sa Philippine Statistics Authority, ang poverty threshold para sa isang pamilyang may limang miyembro sa NCR ay 16,625 pesos kada buwan. Ibig sabihin ito ang kailangan para mabili ang kanilang food at non-food essentials. Kaya may mga nagpetisyon itaas ang daily minimum wage sa bansa.

 

Abangan ang mga kwentong ito sa Reporter’s Notebook sa bago nitong araw Linggo, May 1, 2022 9:15pm sa GTV.