Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Caught on cam: Hit-and-run', ngayong Linggo sa Reporter's Notebook


 

2021 NEW YORK FESTIVALS BRONZE WORLD MEDALIST

 

 

CAUGHT ON CAM: HIT-AND-RUN

LINGGO / 9:15PM SA GTV

 

Nagulat ang lahat nang mapanood ang isang video ng hit-and-run na kumalat sa social media nitong June 5, 2022. Isang security guard na nagmamando ng traffic sa isang mall sa Mandaluyong City ang binangga, sinagasaan, ginulungan at tinakasan ng isang SUV driver.

 

Agad dinala sa ospital ang biktima na kinilalang si Christian Floralde, tatlumpu’t isang taong gulang.

 

Marami ang nag-abang kung mahuhuli ang suspek. Sinubukan ng Philippine National Police na puntahan ang bahay nito pero bigo sila.

 

Hanggang nitong June 15, sampung araw matapos mangyari ang insidente, humarap sa isang press conference sa Camp Crame ang suspek na kinilalang si Jose Antonio Sanvicente. Isinuko rin nag SUV na minamaneho niya. Ano ang mga kasong haharapin ni Sanvicente?

 

Ang buong kwento at detalye, tinutukan ng Reporter’s Notebook.

 

MANGAN TANA!

Tatlumpung taon na ang nakararaan mula nang sumabog ang bulkang Pinatubo na sumalanta sa maraming bahagi ng Central Luzon lalo na sa Pampanga.

 

Pero ang dating pinalubog ng lahar, ngayo’y unti-unting nakaahon at pati mga pagkaing nagsalba sa mga naapektuhan ng pagsabog, mas lalo pang pinasarap at ngayo’y simbolo na ng katatagan ng mga Kapampangan.

 

Sa Guagua, Pampanga na isa sa pinakanaapektuhan ng lahar noon, may isang kainan na patuloy na pinakikilala ang ilang Kapampangan dishes tulad ng inihaw na hito na sinamahan ng mustasa at buro. Meron din sila ritong ginisang kamaru o mole crickets na isang exotic food para sa mga Kapampangan at taba ng talangka rice.

Kapag sinabing Kapampangan, syempre hindi pwedeng mawala ang kanilang classic sisig. Pinakasikat daw dito sa Angeles, Pampanga ang Aling Lucing sisig na kilala rin bilang mother of sisig.

 

Limampung taon na ring naghahain ang kainang ito ng mga meryendang Kapampangan. Ang pinaka authentic dito--ang tinatawag na tibok-tibok. Para raw kasing tumitibok-tibok ito kapag niluluto. Ipinakita pa sa amin ang proseso ng paggawa nito.

 

Pinatatag na ng panahon ang mga kainan dito sa Pampanga. Pero nalagpasan man nila ang pagsabog ng bulkan at ang pandemya, malaking banta naman sa kanila ngayon ang mataas na presyo ng mga bilihin.

Abangan ang mga kwentong ito sa REPORTER’S NOTEBOOK sa bago nitong araw Linggo, JUNE 19, 2022 9:15pm sa GTV.