ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang sakit ni Roland sa 'Wish Ko Lang'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
WISH KO LANG Airing Date: September 29, 2012 Ang Sakit ni Roland  
Nakagisnan daw ng disinuwebe anyos na si Roland na malipasan ng gutom dahil abala sa paglalaro ng computer games, pagkatapos tsaka kakain ng instant noodles at softdrinks. Naging ganito ang kanyang diet kaya ngayon daw ay tila sinisingil na raw siya. Nakikipaglaban ang binata sa sakit na colon cancer na umagaw sa kanyang sigla. Buto’t balat na ang kanyang itsura, pakiramdam pa’y malapit na isuko ang laban sa karamdaman. Ang kanyang pamilya, nahihirapan din na makita ang sitwasyon ni Roland, kaya pilit nilang pinapagaan ang kanyang pakiramdam sa abot ng kanilang makakaya.
Wish ng isang Ugandan  
Habang ang Ugandan na si Elizabeth Sanyu Nsubuga, kasalukuyang narito sa bansa para mag-aral. Hindi raw naging madali ang kanyang pansamantalang pagtira rito dahil walang kakilala at nag-iisa. Ngunit ng makilala ang mag-asawang Dindo at Mercy, sila raw ang umalalay sa kanya sa maraming bagay. Humanga siya dahil, hindi naman daw mayaman ang mag-asawa at abala sa maraming problema, pero lagi raw sumasaklolo sa kaniya na walang hinihinging kapalit. Dito napatunayan ng dayuhan ang magandang katangian ng mga Pilipino, ang pagharap sa problema at ang pagtulong sa kapwa. Wish ni Elizabeth na suklian sana ang kabaitan ng kanyang mga anghel dito sa Pilipinas.
Denlou Loveteam  
Ang mga taga-Tondo raw ay matatapang. Gaya ng dose anyos na si Gerlie, huwag na huwag daw gagalitin, dahil hindi ka raw niya uurungan lalo na kung ang pinakamamahal niyang mga idolo ang kinakalaban. At ito ang DenLou love team na binubuo ni Alden Richards at Louise Delos Reyes na mga bida sa One True Love. Sa Facebook, ayaw ni Gerlie na sinisiraan sila o kaya’y makabalita na may nagtatangka na buwagin ang tambalang DenLou, siya ang numero unong tagapag-tanggol ng mga paboritong artista. Ngunit sa likod ng kanyang paghanga, prayoridad ng bata ang kanyang pag-aaral at sa katunayan, isa siya sa matatalino sa kanilang klase. Tinitiyak lang niya na lahat ng kailangang gawin sa eskuwela ay tapos na, bago mag-ukol ng panahon sa kanyang libangan. Ang baon ay tinitipid, para may pambayad sa computer shop na ang aatupagin lang naman ay tungkol sa Denlou love team at kapag nasa bahay na, lahat ng programang andun ang kanyang mga idolo, tiyak tutukan niya yan. Ano pa nga ba ang hiling ng bawat fan, siyempre ang makaharap ang hinahangaan, mapagbibigyan kaya siya nina Alden at Louise?  
 
Tunghayan ang mga kuwentong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado, 6:30pm sa GMA-7. Sundan ang Wish Ko Lang sa Facebook at sa Twitter!