ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ex-sexy star Katrina Paula asks support of women’s group Gabriela


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Lumantad na ang dating sexy star na si Katrina Paula na idinadawit sa kasong carnapping with homicide na kinakaharap ng kanyang nobyo na si Raymund Dominguez. Dumulog din ang dating aktres sa women’s group na Gabriela dahil nayuyurakan na raw ang kanyang pagkababae, ayon sa ulat ni GMA News reporter Marisol Abdurahman sa primetime news 24 Oras nitong Miyerkules. Sa panayam, itinanggi ni Katrina ang mga ibinibintang sa kanya at hindi rin umano niya batid ang warrant of arrest na sinasabing ipinalabas laban sa kanya. Lumabas sa mga ulat na isinama ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police si Katrina sa kasong carnapping with homicide na kinakaharap ng magkapatid na Dominguez.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Mula nang madawit sa kaso, sinabi ng aktres na hindi na siya nakakapamuhay ng normal at naapektuhan na rin pati ang kanyang mga anak. “Every time na maglalakad ako, hindi ko alam may tumitingin sa’ken, pinag-uusapan nila ako. Ang mga kaibigan ng mga anak ko, andyan yung lalayo sa kanila dahil alam nila na ako yung nanay," pahayag ni Katrina. Iginiit ni Katrina na hindi siya nagtatago. Katunayan ay halos araw-araw daw siyang nasa punong himpilan ng PNP sa Crame para dalhan ng pagkain ang nobyong si Raymond Hindi umano makatiwiran na idawit siya sa kaso. “Halimbawa itong isang lalaki na ito, o asawa niya eh masama, ibig sabihin masama na rin yung asawa niya? Napaka-unfair po para sa’ken yung ginagawa nila," reklamo ni Katrina. Nakararamdan na rin ng takot si Katrina sa kanyang kaligtasan dahil ilang araw na umanong may umaaligid sa kanyang bahay. Maging ang mga magulang ng aktres ay nangangamba sa kaligtasan ng kanilang anak at mga apo kaya sinasamahan nila ito kapag umaalis ng bahay. Hindi na raw matanggap ni Katrina ang pambababoy sa kanyang pagkababae na ginagawa ng Special Investigation Task Group na nakatutok sa kaso ng Dominguez brothers kaya humingi na siya ng tulong sa Gabriela. Isang psychologist naman ng Gabriela ang tumanggap sa aktres at kaagad siyang isinalang sa counseling na tumagal ng mahigit isang oras. Ayon kay Jovita Montes, ng Gabriela, confuse umano ang aktres kung ano ang maaari niyang gawin at hindi ito komportable sa kinakaharap na problema. Samantala, nanindigan naman ang pulisya na sangkot ang aktres sa operasyon ng magkapatid na Dominguez. - FRJimenez, GMA News