Filtered By: Showbiz
Showbiz

At 47, actress Carmi Martin finishes college


Pinatunayan ng batikang aktres na si Carmi Martin na walang pinipiling edad ang pagkuha ng edukasyon. Sa edad na 47, nagtapos si Carmi ng kursong interior design sa Philippine Women’s University. Sa panayam ni entertainment reporter Lhar Santiago, sinabi ni Carmi na masaya siya dahil natupad nito ang pangarap niyang makapagtapos ng kolehiyo. “Nakakatuwa kasi akala nila nagma-master ako. Nung makita ako sa graduation…at the same time kasi isipin mo naman Lhar, at the age of 47, ngayon lang ako nagkaroon ng college degree," pahayag ng dating sexy actress sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules. Maagang sumabak sa showbiz si Carmi na unang nakilala noon sa mga sexy roles. At kahit nakakuha na siya ng certificate sa interior design, ipinagpatuloy pa rin ng aktres ang pag-aaral sa kolehiyo para maging degree holder. Dagdag pa ni Carmi, wala umanong imposible at hindi dapat ikatakot ang tumatandang edad upang ipagpatuloy ang pag-aaral. Bagaman mayroon na umano siyang mga kliyente, nilinaw ni Carmi na isa pa lamang siyang interior ‘decorator ‘at hindi interior ‘designer’ dahil hindi pa siya nakakapasa sa board exam. Pinaghahandaan daw niya ang naturang pagsusulit na gagawin sa darating na Oktubre. “Ngayon nagpa-practice ako pero I cannot say na I am an interior designer. Hindi ko puwedeng kunin yung title na ‘yon hanggat wala pa kong lisensya," paliwanag ni Carmi. At kahit maging ganap na siyang designer, sinabi ni Carmi na hindi niya basta iiwan ang showbiz na itinuturing niyang first love. . “Kung ayaw na sa’ken ng showbiz dun ko lang iiwan. Pero habang meron ito ang first love ko, hindi ko iiwan ‘yan," dagdag ng aktres na kasama sa series na My Lover, My Wife. - FRJimenez, GMA News