ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hollywood actress Rachel Weisz, napuna raw ang kahirapan sa Pilipinas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Habang nagsu-shooting sa Pilipinas para sa action film na The Bourne Legacy, hindi nakaligtas sa paningin ng Hollywood actress na si Rachel Weisz ang kahirapan sa Metro Manila. Sa ulat ni Bernadette Reyes sa SONA ng GMA News TV nitong Huwebes ng gabi, ikinuwento ng Pinoy actor na si John Arcilla ang pag-uusap nila ni Rachel tungkol sa kahirapan sa bansa. Sinabi ni John, kabilang sa mga local artist na kasama sa The Bourne Legacy, na nagpakita ng sinseridad at interes si Rachel na malaman ang kalagayan ng kahirapan sa bansa. Ito ay dahil nakita umano ni Rachel ang squatter area na malapit sa kanilang kinalalagyan. Kaya naman daw naitanong ng dayuhang aktres kung ang mga nakatira sa squatter area ang maituturing na pinakamahirap na Pilipino sa bansa. “Hindi na ‘ko nagsinungaling, sabi ko they’re a lot," ayon kay John. Ipinaalam din umano ni John kay Rachel na marami ang naninirahan sa ilalim ng mga tulay ng Metro Manila. Kasunod nito ay napunta na raw ang pag-uusap nila ni Rachel sa politika at dito ay inusisa ng aktres kung ano ang ginagawa ng mga opisyal ng bansa. Kahit ilang ulit ng nakasali sa mga dayuhang pelikula, sinabi ni John na iba pa rin ang kanyang karanasan sa The Bourne Legacy dahil sa laki ng following nito. Bukod kay Rachel, kasama sa pelikula sina Jeremy Renner at Ed Norton. -- FRJimenez