ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Cesar Montano at Ronnie Ricketts, nagsanib puwersa vs anti-piracy drive


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Makakatuwang na ni Optical Media Board (OMB) chairman Ronnie Ricketts sa anti-piracy campaign ang actor-director na si Cesar Montano. Ito ay makaraang hirangin ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III bilang miyembro ng OMB si Cesar na kakatawan sa private sector. Bukod kay Cesar, hinirang din ni Aquino sa OMB si Elmar Ingles, dating commissioner ng National Commission for the Culture and Arts, at executive director ngayon ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit. Si Cesar ay tumakbong senador noong 2007 pero hindi nanalo. Nabigo rin siya sa kanyang kampanya na maging gobernador ng Bohol noong 2010 elections sa ilalim ng Liberal Party. Nitong nakaraang linggo ay naging laman ng balita ang usapin ng piracy matapos makunan ng larawan ang isang opisyal ni Aquino na si Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas na tila namimili ng pirated DVDs. Nang kunan ng reaksiyon si Aquino noong nakaraang linggo tungkol kay Llamas, sinabi ng pangulo na mayroon mas malalaking problema ang bansa na dapat unahin at hindi kasama rito ang piracy. Nitong nakaraang Martes ay humingi na ng paumanhin si Llamas sa kinasangkutang kontrobersiya. Kasabay nito, patuloy naman ang pag-inspeksiyon ng OMB sa mga pamilihan at malls para maigtingin ang kampanya sa pamimirata ng pelikula at maging musika. Sinabi ni Ricketts na ang operasyon kontra pamimirata ay hindi lang basta alisan ng kabuhayan ang mga nagtitinda, sa halip ay nagbibigay din sila ng alternatibong pagkakakitaan ng mga ito. - FRJimenez, GMA News